Pages

Monday, January 30, 2012

Statement of the Staff Regent on the 10-day Service Recognition Pay for Staff and REPS


Mainit kong binabati ang lahat na naging bahagi (pabor at kontra) ng kampanya upang maisakatuparan ang 10 araw na "service recognition pay (10 day SRP) sa mga administratibong kawani ng unibersidad.

Muli ay pinatunayan ng ating mga unyon - ang All UP Workers Union at All UP Academic Employees Union ang lakas ng sama-samang pagkilos bilang siyang pangunahing armas ng ating pag-uunyon.

Hindi ma-itatwa ng sinuman na ang salik ng "sama-samang pagkilos" ang siyang tunay na nagtulak para sa tuluyang pag-apruba nito ng ating Board of Regents (BOR). Ito ay dahil sa ating obserbasyon sa mga pag-uusap ng dating Administrasyong Roman at maging sa Administrasyong Pascual, ayaw nilang ipatupad ito dahil sa laki ng implikasyon nito sa savings ng bawat CUs na kung saan tinatayang kung hindi madadagdagan, ay malamang matigil din ito (10 day SRP) sa hinaharap. Nakikita din natin sa pag-aaral (medium/long term projection) ng Administrasyong Pascual na maging ang 15 day na additional leave ng mga faculty na ibinigay ng Administrasyong Roman noon pang 2008, ay hindi kayang isustini ang pagbibigay ng kaukulang halaga sa pondo (sa retirement), sa lahat na mga contituent units kung walang substantibong dagdag sa kani-kanilang "savings".  Nalaman din nating sa ngayon pa lang ay may constituent unit nang nahihirapan o delayed ang pagbibigay ng nasabing retirement benefit sa mga nagretirong mga guro dahil sa kakulangan ng "savings".

Nang dahil sa lakas ng ating sama-samang pagkilos, (at bahagi rin ito sa mga dahilan ng pagbigay natin ng suporta sa pagpili kay President Pascual) ay tuluyan na nga itong naaprubahan (kasama na ang Implementing Guidelines) ng BOR nitong ika-26 ng Enero 2012.

Sa pakikipagtulungan ng ating mga unyon at ng Opisina ng Staff Regent, tuloy-tuloy po nating pag-ibayuhin pa ang pag-oorganisa sa ating hanay, hindi lamang dito sa loob ng UP kungdi mas lalo na sa iba pang mga unibersidad at ospital simula sa pampublikong sektor.  Ang lakas ng ating pag-oorganisa at ang sama-samang pagkilos ay walang saysay kung tayo lang sa loob ng UP at PGH ang makikinabang nito. Higit kailanman, sa harap ng lalong tumidinding krisis ng monopolyong kapital, ngayon natin higit na kailangan ang mahigpit na makipagkapit-bisig sa iba pang mga sektor sa loob at labas ng unibersidad dahil sa tumitinding atake ng mga naghaharing uri at malaking negosyo sa ating sahod, trabaho, benepisyo karapatan, upang makatipid at patuloy na isuhay ang tagibang na relasyon ng ating lipunan.

Nais kung ipatimo sa ating lahat na ang edukasyon at kalusugan (kung saan ang UP at PGH bilang pangunahing pampublikong institusyon nagkakaloob nito sa ating mamamayan) ay isang batayang karapatan na dapat siguraduhing maibigay ng ating pamahalaan ng "de kalidad" at abot-kaya para sa lahat ng mamamayan nito.  Sa harap ng hindi makatarungang pangangamkam ng mga dayuhang mananakop (colonial powers) sa mga ari-arian ng ating mga ninuno na itinuloy at pinatindi pa ng mga sumunod na naghaharing uri sa ating lipunan ay walang iba na tayong maaasahang pwersa o sistemang magbibigay ng kahalintulad ng pagkakapantay-pantay o pare-parehong pakinabang at katarungan (semblance of equity, equal access and justice) tungo sa tunay na kaunlaran ng bayan, kungdi ang makapag-aral at magkaroon ng maayos na kalusugan.  Kung maging itong karapatang ito sa edukasyon at kalusugan ay nais ipagkait mismo ng ating pamahalaan sa mga ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng pagsasapribado ng mga serbisyo nito sa mga mamamayan o mas kilala sa pinagandang tawag na "public-private partnership", walang iba tayong magawa kung di ang sama-samang kumilos at lumaban.
   
Sulong at padayon!

January 30, 2012

No comments: