Noong nakaraang linggo, ang unyon ay pinutakte ng kaliwa't kanang tanong kung totoo daw na mayroong ibibigay na humigit-kumulang na P20,000 bawat isang kawani ng UP (kabilang ang PGH) bilang paunang bayad sa back COLA. Ang balitang ito ay mariin nating pinasinungalingan at anumang balita tungkol sa napipintong pagbibigay nito sa mga kawaning UP ay pawang walang batayan.
Ang totoo ay ang Unyon ay mayroon nang sulat noong nakaran pang dalawang linggo sa ating Vice President for Legal Affairs, Prof. Marvic Leonen kaugnay sa isyung ito pagkaraang ipinalabas ng Supreme Court ang bago nitong desisyon kaugnay sa back COLA (G.R. No. 160396, PPA Employees vs. COA, September 6, 2005). Pagkasagot ng ating sulat (na ating inaasahang paborable sa ating posisyon) ay magkakaron ulit tayo ng panibagong kampanya sa loob ng UP para sa ating COLA back pay. Ito ay habang wala pang desisyon ang Supreme Court kaugnay naman sa kasong isinampa ng OSG Employees noong 1992 laban sa DBM na siyang dapat babalikat sa pagbabayad ng back COLA at hindi lamang ang bawat ahensiya dahil sa ang DBM ang siyang nagkamali sa pagpapatupad ng RA 6758 (Salary Standardization Law) noong 1989.
Matatandaang ang All UP Workers Union din ang unang nangampanya nito pagkatapos ng CNA signing sa pagitan ng UP at ng AUPWU noong 2002, na ang kinalabasan ay ang pagsampa ng UP (at pagtanggap ng Supreme Court) ng Motion to Intervene sa kasong isinampa ng OSG Employees sa Supreme Court at ang pagtanggi ng Board of Regents ng kahit paunang bayad sa back pay kahit pa humantong ang ating kampanya sa panandaliang "pagkulong" natin sa mga kasapi ng BOR sa Board Room ng UP Diliman at UP Manila.
Kayat ang pakiusap natin sa mga kapwa kawani ng UP (kabilang ang PGH) ay huwag tayong padadala sa mga nagkukunyaring naglalakad daw ng ating back COLA sa UP. Ni HA ni HO ay wala nga tayong narinig sa kanila noong sila pa ang kinikilalang "sole and exclusive bargaining unit" (1994-2000) kung saan sila ang kausap ng UP noong 1998 ng lumabas ang kauna-unahang desisyong ng Supreme Court kaugnay sa pagbabayad ng back COLA, ngayon pa kayang hanggang panggugulo na lamang sa mga isyu ang kaya nilang gawin?
Palagi po tayong sumangguni sa bukod tanging unyon na nagdadala ng tunay na unyunismo sa UP (kasama ang PGH), ang All UP Workers Union. At inasahan sana namin na sumama ang mas malawak na bilang ng mga kawani sa ating panibagong kampanya para sa back pay ng COLA upang tuluyan nating makamit ang tagumpay
Mabuhay ang mga kawani ng UP at PGH!
Monday, September 26, 2005
Subscribe to:
Posts (Atom)