Simula pa noong 1998 hanggang sa kasalukuyan, ipinaglalaban na natin ang dagdag na sweldong P3,000 kada buwan para sa ating mga manggagawang pangkalusugan at kawani ng pamahalaan ngunit nananatiling bingi ang pamahalaan. Sa halip na dagdag sahod ang asikasuhin ay dagdag na gastusin na naman ng mamamayan ang inatupag na maaprubahan sa mababang kapulungan at ngayon ay minamadali ang deliberasyon sa Senado. Ito ang Value Added Tax o VAT.
Mula sa 10% VAT ay gagawin itong 12%, o 20% na pagtaass sa matagal nang pasakit sa atin na VAT. Grabe na itong ginagawa sa atin ng pamahalaan, imbes na pakinggan ang hinaing ng mga karaniwang kawani na taon-taon, ay siyang pinakamalaking nagbibigay ng buwis sa bayan ay itong dagdag na VAT pa ang inatupag na isang imposisyon ng International Monetary Fund (IMF). Ito ay upang makasiguro ang IMF na may tiyak na badyet ang Pilipinas para sa pambayad ng prinsipal at sa lumolobong interes sa mga utang na ginarantiyahan ng gubyerno. Samakatuwid, sa halip na magdagdag ng badyet para sa serbisyong panlipunan tulad ng pangkalusugan at taasan ang sahod ng mismong mga kawani nito; mas prayoridad ng gobyerno na magbayad sa mga utang na karamihan ay di napakinabangan ng mamamayan kung ‘di ng mga malalaking negosyante at sa malawakang korupsyon na nagsisimula sa Malakanyang.
Sa simula’t simula pa man ay tinututulan na natin ang value added tax dahil sa isa itong klase ng regressive na sistema ng pagbubuwis. Ang ibig sabihin ay pareho ang ibinabayad na buwis ng mayaman at mahirap o ng malaki ang kita at maliit o walang kinikita. Damang-dama natin ang bigat ng epekto ng naunang 10% VAT sa tuwing magbabayad tayo ng konsumo at serbisyo, at maging sa mga pangunahing bilihin. Ngayon ay nais pang dagdagan.
Sinasabi ng pamahalaan na tanging mga “mayayaman” lamang daw ang maaapektuhan nito, at ang makokolekta naman daw sa dagdag na buwis na ito ay ibabalik sa pamamagitan ng dagdag na serbisyong panlipunan; ang sagot naman natin “hindi tayo isinilang lang kahapon para lolokohin na naman nila.” Tanging sa pagkakaisa at sa malawakang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan, mapipigilan at maibabasura, hindi lamang ang panukalang batas na ito kundi maging ang iba pang mga patakaran ng pamahalaan na direktang nagpapahirap sa lugmok nang kalagayan ng malawak na bilang ng mamamayan.
Kaya’t mga ka-manggagawang pangkalusugan, sama-sama tayong lumahok sa Pambansang Koordinadong Kilos Protesta Laban Sa VAT (kasabay ng malawakang Prayer Rally) ngayong Miyerkules, Pebrero 16, 2005, 1:00 ng hapon, Senate, GSIS Bldg, Roxas Blvd, Pasay.
Magkita-kita tayo sa ika-11:00 ng umaga sa PGH Flagpole Area.
Ibasura ang VAT! P3000 across the board monthly salary increase ang dapat!
BADYET SA SERBISYONG PANGKALUSUGAN, DAGDAGAN ‘WAG BAWASAN!
All UP Workers Union Manila
Ika-15 ng Pebrero 2005