Pages

Wednesday, October 17, 2007

All U.P. Workers Union Na Sa Oktubre 24, 2007

Mahalaga na sa pagboto natin sa ika-24 ng Oktubre 2007 para piliin ang bukod-tanging Unyon na maging kinatawan ng mga kawani ay maibigay ang pinakamataas na mayoriya upang mas malakas na maisulong sa Administrasyon ang mas makabuluhang bagong Collective Negotiation Agreement (CNA) - na magtatakda sa marami nating mga karapatan at benepisyo bilang kawani ng UP at ng PGH, sa susunod na limang taon.

Sa nakaraang anim na taon mula ng madeklara ang All U.P. Workers Union (ika-8 ng Agosto 2001) bilang bukod tanging kinatawan ng mga kawani, pinatunayan na ang mga maari nating magagawa batay sa sama-samang pagkilos.

Mga Nagawa

Ang pagkilala ng UP sa karapatan nating magwelga ayon sa batas bilang pangunahing batayang prinsipyo ng CNA (2002-2007), at ng ating pakikipagtalastasan sa Administrasyon ay wala ng makakahigit pa. Ito ay sa harap ng sinimulang dating CNA ng ONAPUP na isinuko ang karapatang magwelga o manguna ng anumang pagkilos o protesta sa mga polisiya o programa ng Administrasyon kapalit sa pagkilala sa kanila bilang bukod tanging kinatawan ng mga kawani mula Nobyembre 1994 hanggang Disyembre 2000.

Mula sa batayang karapatan na ito, mula sa wala ay napagtagumpayan natin ang magkaroon ng tig-dadalawang sako ng rice subsidy taon-taon. Nagawa ring maging regular na tig-P10,000 kada taon ang ating year-end incentive, at mula noong 2005 ay ibinibigay ito ng tig-P5,000 (Agosto at Disyembre) ayon na rin sa kahilingan ng Unyon. Nandidiyan rin ang karagdagang 3 araw na special privilege leave (SPL) at sickness leave at ang P1,000 Christmas Grocery Allowance kada taon.

Dito sa atin sa UP Manila at PGH, nakumbinsi natin ang Administrasyon na maresolba na ang maraming nakabinbing kasong administratibo, marami nito ay mahigit sampung (10) taon nang “pending.” Ito ay umabot noong 2003 sa halos 600 mga kaso. Sa ngayon ito ay wala pang isandaan. Malaking tulong rito ang pagkumbinsi natin sa Office of Legal Services ng UP System na bigyang pansin ang mga maling prosesong nangyayari sa UP Manila lalo na sa PGH, kung saan reklamo pa lang na nakarating sa Legal Office ay kinukonsidera na agad na “pending.” Makumbinsi rin natin ang Administrasyon ng UP Manila at PGH na ipadaan ang initial investigation ng lahat na reklamo (maliban sa pilferage) sa mga Unit APC-PERC bago ito iparating sa Legal Office - at kung talagang may batayan ang reklamo. Sa mga APC-PERC, halos 50% ng mga reklamo’t hinaing ay nareresolba agad.

Ang Unit APC/PERC na binuo hanggang sa Division o Cluster Level ay nagpalawak sa partisipasyon ng mga rank-and-file sa halos lahat na aspeto ng personnel actions (hiring, promotion, transfers, scholarship, rewards and recognition, performance evaluation, mga apela sa evaluation, conflict resolutions at maging sa fact-finding investigations). Nabuo ito mula sa tuloy-tuloy na paggiit ng Unyon sa UP Manila at PGH Administration at sa tulong ng mga bukas sa pagbabagong mga kasama natin sa Personnel Office (HRDO na ngayon) ng UP Manila at ng PGH.

Nakamit din sa panunungkulan ng All UP Workers Union ang Hazard Pay, Subsistence at Laundry Allowance ng UP Manila CAD, Academic Units at NIH (sa ilalim ng Magna Carta of Public Health Workers o RA 7305). Ito ay nagmula sa sertipikasyon ng DOH na ibinigay sa UP Manila bilang “Health Sciences Center” (kaya lahat na mga kawani nito ay mga public health workers) na nakuha natin dahil na rin sa sama-samang pagkilos ng Unyon at malaking pagsisikap ni Dr. Marita Reyes noong siya pa ang pangulo ng ating chapter at magkasama pa ang mga academic at mga administratibong kawani sa iisang Unyon.

Benepisyong Nasa Negosasyon Pa

Sa harap ng mga tagumpay, mayroon pa tayong hindi pa natatapos na mga isyu at nasa kainitan ng negosasyon sa level na ng UP Manila. Ito ang 5% Longevity Pay, Free Hospitalization, at Overtime Pay sa ilalim ng RA 7305, gayundin ang exemption mula sa AO 103 s. 2004 para mapunuan ang maraming bakanteng item ng Utility Workers at iba pang mga administratibong kawani.

Ang pagpalit ng pangalan mula Nursing Attendant II tungo sa Midwife I ng may 52 na Nursing Attendant ay nasa level na rin ng DBM pero nangangailangan pa ng karagdagang mga batayan bago ito maaprubahan. Malaking bahagi sa tagumpay na ito ng mga kasamahan nating mga NA, ang kasigasigan ng dating Pangulo ng PGH Nursing Attendants Association na si Emma AƱas. Siya ang nagbigay ng halos lahat na mga datos sa Unyon at sa PGH Nursing Service kung kaya’t napadali ang pagkumbinsi natin sa Administrasyon ng UP Manila at UP System na ituloy ang kahilingan ng mga NA hanggang sa DBM.

Mga Panukala Para Sa Bagong CNA

Bago ang petisyon para sa Certification Election (CE) ng ONAPUP, tayo sa All UP Workers Union ay may naisumite nang panukala para sa panibagong Collective Negotiation Agreement (CNA) noong ika-14 ng Pebrero 2007. Katunayan, naka-apat na pag-uusap na tayo sa UP Administrasyon bago natigil dahil sa CE. Kasama sa ating mga panukala ang mga sumusunod:

•Sa Deklarasyon ng mga Prinsipyo, itataas ang partisipasyon ng Unyon, mula “consultation” tungo sa “involvement” sa lahat na aspeto ng paggawa ng mga polisiya, plano at programa para sa mga karapatan, kagalingan at mga benepisyo ng mga kawani;

•Dagdag na 15 araw na Menstrual Leave at Breastfeeding Leave;

•Libreng bakuna at booster ng mga kawani at malalapit na kamag-anak laban sa TB, Flu, at Hepatitis;

•Rehabilitation Leave for Job Related Sickness (bukod sa job related injuries sa ilalim ng CSC Memorandum);

•15 araw na SPL mula sa kasalukuyang anim (6);

•Probisyon ng housing sa lahat na sektor ng UP;

•Free Legal Services para sa mga kawaning nademanda dahil sa paggampan ng kanilang trabaho;

•Isang buwan na pagsasaayos sa retirement papers na hindi ibabawas sa leave credits ng mga magreretiro.

•Fitness and wellness center sa lahat na mga Kampus;

•50% discount sa pagpapa-ospital ng mga retiradong kawani sa PGH at lahat na UP Infirmary;

•Apat (4) na sakong bigas na di bababa sa 50 Kgs. bawat isa, taon-taon;

•P2,000 na Loyalty Pay bawat taon ng serbisyo;

•Merit Incentive Grant na di bababa sa P10,000/year

•P10,000 Merit Award sa mga “sagad na”

•P2,500 na Christmas Grocery Allowance taon-taon

•P5,000 Medical Assistance kada taon

•P20,000 na Retirement Bonus

•P20,000 na Signing Bonus o CNA Incentive

Lahat ito ay mga panukala pa lang. Para ito lubos na maisakatuparan, kinakailangan ng subok na, at mas matibay na kinatawan ng mga kawani. Magtiwala na at bumoto sa All U.P. Workers Union sa CE sa darating na ika-24 ng Oktubre 2007.

Dagdag pa, sa UP Manila at PGH, ay may mga kampanya din na ating ipaglalaban kapag naaprubahan na ng Kalihim ng DOH ang amyenda sa IRR ng RA 7305 kung saan nakapaloob ang mga pagtataas sa ating Hazard Pay, Subsistence at Laundry Allowance sa ilalim ng RA 7305. Gayundin ang pagpapatupad ng Section 32 ng Nursing Act of 2002 para sa pagtaas ng basic pay ng mga nurses sa SG 15. Ang isyung ito ay dinala na natin sa Board of Nursing, DBM at DOH simula pa noong 2004.

Pinakamalakas na mandato para sa mas makabuluhang CNA!
Mag-All U.P. na!
###