Ang All UP Workers Union Manila ay lubos na nababahala sa kasalukuyang pangyayari kaugnay sa pagpili ng bagong PGH Direktor.
Ika-18 ng Disyembre 2009 nagdesisyon na ang UP Board of Regents na ang PGH Direktor simula ng ika-1 ng Enero 2010 hanggang ika-31 ng Disyembre 2012 ay si Dr. Jose C. Gonzales subalit ito lamang ika-4 ng Enero 2010 dumating ang notice of appointment. Ngayon naman, ang formal na appointment at normal na oathtaking ay nais pang ipagpaliban ng Administrasyong Roman at hindi pa ibinibigay ang buong poder sa bagong PGH Direktor tulad ng pagtukoy at paghirang ng kanyang mga Deputy Direktor para maggampan ng buong husay at maipatupad ang nais nilang programa’t proyekto para sa ibayong pagsisislbi ng PGH sa mamamayan.
Pagkatapos ng EDSA Rebulosyon, muli ay nandito tayo sa sitwasyong pinakikialaman ng matinding pulitika ang pagpili ng PGH Direktor pati na ang normal nitong paggampan ng trabaho. Bakit nangyayari ito? Ito ba ang sagot ng Administrasyong Roman dahil hindi napili ang kanilang gusto na manatili sa pwesto ang isinusuka na nating dating PGH Direktor?
Kung gayon walang pinag-iba ang bulok na Pamahalaan ni GMA sa Administrasyong Roman – mga kurap at sakim sa kapangyarihan at puro pulitikahan.
Nakakatawang, nakakasuka na noong panahon ng negosasyon ng ating bagong Collective Negotiation Agreement (CNA) ay matinding isinusulong ng Administration Panel ang mga probisyong “PARA DAW SA PROFESSIONALIZATION NG RANK-AND-FILE EMPLOYEES” subalit ang mismong pamunuaan pala ng UP at ng UP Manila ang hindi propesyonal sa kanilang trabaho, at hindi kayang magpatupad ng simpleng utos ng nakakataas sa kanila.
Tayo ay nananawagan sa ating mga kawani, at mga mamamayan – kumilos at manindigan. Singilin ang Administrasyong Roman ng UP at Administrayong Arcadio ng UP Manila sa kanilang pagiging sala-ula sa pwesto. Kung palalampasin natin ang ganitong mga pagkakataon, mamimihasa sila katulad ng ating Pambansang Pamahalaan at magigising na lang tayo ng isang umaga na lahat na ng proseso sa unibersidad ay binago na nila para sa kani-kanilang kapritso at sinira na ang imahe at ubod ng ating mahal na mga institusyon - ang UP at ang PGH. Isang bangungot na mag-uudyok sa ating, tanungin ang ating mga sarili kung makabuluhan pa ba ang ating pagsisilbi sa bayan.
Huwag nating hayaang mangyari ito sa atin, tayong mga kawani ng UP at ng PGH ay may mahalagang papel para protektahan natin ang ating mga mahal na institusyong, nagbibigay pugay sa bayan sa patuloy nitong busilak na pagsisilbi sa bayan.
Ilantad ang pagiging doble-kara ng Roman at Arcadio Administration! Labanan ang mga manipulasyong ginagawa ng Roman at Arcadio Administration sa garapalang pambabastos sa mga proseso ng Unibersidad!
Tama na! Sobra Na! Panahon na para itangan natin sa ating mga kamay ang katotohanan at hustisya! Manindigan sa katotohanan! Ipatupad ang desisyon ng BOR! Ngayon na!
Sumama sa kilos protesta sa Huwebes ika-7 ng Enero 2009, 12:00 – 1:00 ng hapon sa PGH Flagpole Area
Ika-5 ng Enero 2010
Tuesday, January 05, 2010
Sunday, January 03, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)