in Lathalain
Ilang-Ilang D. Quijano/ Tarik Garcia
Hindi matapat sa publiko.
Ito ang ibinibintang ni Winston Garcia, general manager ng GSIS (Government Service Insurance System), sa pamilya Lopez na namumuno ng Meralco (Manila Electric Company). Tinatangka ng GSIS na makontrol ang Meralco, pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, para mapababa umano ang labis-labis na singil nito sa kuryente.
Pero kung inililihim man ng mga Lopez ang abusadong paniningil nito, inililihim din naman ni Winston ang kanyang posibleng tunay na interes sa Meralco.
May koneskiyon ang pamilya Garcia sa Veco (Visayan Electric Company), pangalawang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa. Malapit na alyado ni Pangulong Arroyo si Winston na tubong Cebu ang pamilya.
Nakadikit ang prominenteng mga miyembro ng pamilya Garcia sa Veco, na pag-aari ng pamilya Aboitiz. Nakabase rin sa Cebu ang mga Aboitiz, at tulad ng mga Garcia, malapit diumano sa Palasyo.
Dating legal counsel ng Veco si Jesus Garcia Sr., tiyo ni Winston. Humalili sa tiyo ni Winston ang kanyang pinsang si Jesus Garcia Jr. Ang pamangkin ni Jesus Garcia Jr. na si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang legal counsel ng Veco.
Samantala, umupo rin ang mga Garcia sa Board of Directors ng Vivant Corporation, nakalista sa Philippine Stock Exchange na holding company ng Veco. Si Jess Anthony N. Garcia ang kasalukuyang corporate investment officer at sekretarya ng Vivant.
(May dalawang grupo ng mga Garcia sa board ng Vivant. Hindi kadugo ng pamilya ni Winston ang mga Garcia na lahing Espanyol na kumokontrol sa board ng kompanya.)
“Niloloko ni Garcia ang publiko sa pamamagitan ng pagkukunwaring panig siyang walang interes na nagnanais lamang pababain ang singil sa kuryente ng Meralco. Sa totoo, may interes ang kanyang pamilya sa Veco, na makikinabang ang mga may-ari kapag nalusaw ang prankisa ng Meralco. Ang kanyang populistang retorika ay pagtatakip sa pandarambong ng mga alyado at kroni ni Arroyo,” ayon kay Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas.
Hindi umano malayong gamitin ni Garcia ang pensiyon ng mga kawani ng gobyerno para sa kapakanan ng kanyang pamilya at mga alyado sa pulitika at negosyo. Nagawa na niya ito noon.
Noong 2004, bilyun-bilyong piso ng pondo ng GSIS ang kinuha ni Garcia mula sa Land Bank of the Philippines na pag-aari ng gobyerno at inilipat sa pribadong Union Bank.
Iginawad din ni Garcia sa Union Bank ang multi-milyong pisong kontrata sa proyektong E-Card. Idineklara ng Commission on Audit na “illegal” ang nasabing kontrata.
Pag-aari ng pamilya Aboitiz ang Union Bank.
Samantala, nagpahayag ng pagtutol ang mga kawani ng gobyerno sa umano’y tiwaling pamamalakad ni Winstyon sa GSIS at pag-abandona nito sa tungkuling pangalagaan ang kanilang interes.
Sa ika-22 anibersaryo ng Courage (Confederation for the Unity Recognition, and Advancement of Government Employees) noong Mayo 19, nagkaisa laban sa pamunuan ng GSIS ang mga empleyado ng National Food Authority, National Housing Authority, Bureau of Customs, Land Transportation Office, Department of Trade and Industry, National Broadcasting Network, Quezon City Hall, Department of Environment and Natural Resources, Department of Labor and Employment, Senado, at iba pang ahensiya ng gobyerno.
“Pinagsasamantalahan ng GSIS ang pondo ng mga manggagawa at ginagamit lamang sa pamumulitika,” ani Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.