Pages

Saturday, July 07, 2007

Pahayag ng All U.P. Workers Union Manila Kaugnay sa “PGH Centennial Bonus”

Malinaw sa mga pangyayari na ang Alfiler Administration ay puro lamang “papogi” sa usapin ng pagpapatupad ng ipinangakong “PGH Centennial Bonus” ngunit kulang sa pagsaliksik at pagkamalikhain sa pagpapatupad ng nasabing isyu.


Noong Lunes, ika-2 ng Hulyo 2007 ay nakipagdiyalogo ang Unyon sa PGH Execom sa pangunguna ni Dr. Virgilio Novero, Deputy Director for Fiscal Services at kasalukuyang OIC ng ospital kaugnay sa napapabalitang “huwag munang asahan” ang “PGH Centennial Bonus” sa sentenaryo ng PGH sa ika-17 ng Agosto 2007. Dito kinumpirma ni Dr. Novero na sa miting ng UP-Board of Regents (UP-BOR) sa ika-27 ng Hulyo 2007 pa, naka-agenda ang isyu kaugnay nito.

Nauna pa rito, sa isang diyalogo sa Direktor at Execom noong Enero 2007 ay tiniyak nila na may pondo para sa P10,000 “PGH Centennial Bonus” na noong huling kwarto pa ng 2006 ay naipamalita na. Nababanggit din ito ni Director sa Flag Ceremony at sa mga ikot nya sa iba’t-ibang Departamento ng ospital. Mayo, 2007 dahil sa balitang ang mga nasa serbisyo lamang ng tatlo o humigit pang mga taon ang makakatanggap nito, ay humingi tayo ng paglilinaw sa PGH Personnel Division kung saan sinabi ng hepe na wala pang guidelines, at humihingi pa lang ng authority sa UP System para sa pagbibigay ng “PGH Centennial Bonus. Subalit sa ating pagfollow-up sa opisina ng University Secretary hanggang sa miting ng UP-BOR noong ika-28 ng Hunyo 2007 ay walang naka-agenda kaugnay ng paghingi ng authority sa pagbigay ng nasabing bonus.

Nitong ika-2 ng Hulyo, sinabi rin ni Dr. Domingo na mayroong outright authority ang U.P. na maaring makapagbigay ng P3,000.00 na bonus o insentibo kada empleyado kahit walang pag-otorisa ang UP-BOR.

Sa pag-aaral ng Unyon sa isyung ito, malinaw na sa kabila ng mga anunsiyo noon pang isang taon na nanggagaling mismo sa Direktor, ay ngayon lamang napag-aralan ng PGH Administrasyon ang legalidad sa nasabing “PGH Centennial Bonus” at ang kaugnay namang UP Centennial sa susunod na taon na tiyak na mayroon ding Anniversary o Centennial Bonus. Ang masama ay mukhang tinatanggap na nila na hindi makapagbigay ng P10,000.00 “PGH Centennial Bonus” at kinukundisyon tayo na tanggapin na lang ang P3,000.00 na insentibo (o anumang katawagan) kahit na mayroon nang naipangakong budget para sa P10,000.00 bawat isang kawani. Sa pagtingin ng Unyon, dahil sa 2006 pa lang ay ipinamalita na ito ng Direktor, mayroong responsibilidad ang PGH Administration na tuparin nito ang mga binitiwang salita. Nakikita din natin na nakasalalay ang kredibilidad ng administrasyon sa isyung ito na siyang magtatakda sa kooperasyon ng buong PGH Community sa susunod pang mga araw ng Alfiler Administration.

Naniniwala din tayo na karapat-dapat tayong tumanggap ng ganitong insentibo dahil sa isandaang taon ng PGH, napatunayan natin sa Sambayanan ang mga naging kontribusyon ng ospital sa pag-unlad ng medical, nursing at iba pang pangkalusugang siyensiya sa ating bansa at sa pagbibigay ng direktang serbisyo. Sa nakaraang pagkakataon din, maraming ipinangalan ang UP sa mga benepisyong gusto nitong ibigay. Kayat nasa pagkamalikhain ng Administrasyong Alfiler ang pagpapatunay sa UP Administration at UP-BOR na tayo sa PGH ay nararapat na makatanggap ng karagdagang benepisyo kaugnay sa pagdiriwang natin sa sentenaryo ng ospital, at upang maipakita nito ang pagpapahalaga sa mga kawani sa okasyong ito.

Kaya’t nananawagan tayo sa buong PGH Community na maghanda at lumahok sa mga gagawing pagkilos ng Unyon upang ilaban ang pagkakamit ng P10,000.00 na insentibo (o anumang katawagan) na pangako ni Direktor Carmelo Alfiler.

Pangakong P10,000 na “Insentibo” isakatuparan!

Benepisyo ipaglaban!