Pages

Thursday, January 03, 2008

UP – Una sa Pagkokomersiyalisa (2)

by kapirasongkritika
December 30, 2007

pres-emerlinda-roman.jpg

Tampulan ng usap-usapan ngayon si Pres. Emerlinda Roman ng Unibersidad ng Pilipinas dahil sa pambubulyaw niya sa Senado noong Disyembre 18, bukod pa sa maraming pakana ng kanyang administrasyon.

Sa naunang entri, binaybay ang ilang mahalagang datos ng pinakahuling pagsisikap ng administrasyon ni Pres. Emerlinda R. Roman ng Unibersidad ng Pilipinas o UP para itulak ang Senado na ipasa ang isang panukalang batas na babago sa UP Charter. Narito naman ang ilang pagsusuri sa nabanggit na mga pangyayari nitong Disyembre.


(1) KIKO

Pinatunayan lamang ng mga pangyayari na may kaya palang gawin si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan. Nakilala kasi siya ng marami bilang si “Mr. Noted” sa makasaysayang halalang 2004 na “nagpanalo” kay Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Siya ang duminig nang saglit at pagkatapos ay nagsantabi sa mga reklamo ng oposisyon noon hinggil sa mga anomalyang panghalalan sa Batasang Pambansa. Nakilala rin siya ng marami bilang commercial model ng pansit kanton na Lucky Me – kung saan ginawa niyang panggabing meryenda ang kalunus-lunos na panawid-gutom ng maraming maralita.

Lucky o suwerte nga naman siya. Kilala at natatandaan siya ng marami, kahit wala siyang solidong rekord bilang senador na tuluy-tuloy na tumindig pabor sa sambayanan. Pinakamaningning na niyang yugto ang pagdalo sa press conference ng Partido Liberal noon sa pamumuno ni dating Sen. Franklin Drilon. Nagsalita ba siya doon? Mas matapang pa ang pagtatanggol ni Ate Shawie kay dating Sek. Dinky Soliman ng DSWD noong inaresto ang huli dahil sa pagsusuot ng oversized na kamiseta sa Baywalk. Suwerte siya dahil kilala siyang “Mr. Sharon Cuneta” sa bansang ito ng mga Sharonian.

Kaya naman pala niyang maging mapagpasya sa mga bagay na gusto niyang gawin. Bilang lider ng mayorya sa Senado, siya ang may kapangyarihang magtakda ng adyenda. Ang nakakalungkot, katulad ng pagiging “Mr. Noted” niya, ang pagtutulak niya sa panukalang batas na babago sa UP Charter ay tugma sa kagustuhan ni Pres. Arroyo. Ilang beses nang itinuring ng Malakanyang na priyoridad ang panukalang batas niya – na tiyak na inaprubahan ng pangulong kumakaltas sa badyet ng UP at kampeon ng komersiyalisasyon ng pamantasan. Kawawa naman siya: Nasa anino na nga ni Sharon Cuneta, nasa anino pa ni Gloria. Isa siyang bituing walang ningning, star for no reason.


(2) JAMBY

Sa kabilang banda, lalong pinatunayan ni Sen. Ana Maria Consuelo “Jamby” Madrigal na hindi lamang siya kamukha ni Judy Ann Santos – o ng reporter na si Adrian Ayalin, para sa ibang malupit. “Lalong pinatunayan” dahil nitong huli, palagi siyang nasa makabayan at makamasang tindig sa mga isyung pambansa at panlipunan – sa panunungkulan ni Pres. Arroyo, usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines, ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang porma ng pampulitikang panunupil, tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, at iba pa. Bagamat kilalang sosyalera, kapansin-pansin ding lagi siyang nagsisikap na magsalita sa Filipino.

Kahit paano, nakakatuwang may senador, lalo na’t senadora, na handang sumalunga hindi lang sa takbo ng Senado, kundi maging sa takbo ng pulitika sa bansa. Maningning niyang saglit ang pagsama sa martsa-rali – kakapit-bisig nina dating Bise-Presidente Teofisto Guingona at Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna – laban sa pagbabawal sa mga kilos-protesta sa Mendiola. Kahit binomba ng tubig ang hanay nila, nanatili siya – kahit pa sabi ng iba’y naging kamukha niya si Gloria matapos. Kung magpapatuloy siya, mag-iiwan siya ng solidong rekord ng paglilingkod sa bayan. Hindi tulad ng iba diyan.

Walang kaimik-imik sa sesyon sina Sen. Francis “Chiz” Escudero, Sen. Manuel “Manny” Villar, at Sen. Alan Peter Cayetano sa naging talakayan. Kakatwa ito dahil nangako sila sa UP Widem na tutulong para maipasok ang mga pagbabagong ipinapanukala ng alyansa. Lalong kakatwa dahil pumapabor ang mga panukalang batas na ipinasa nina Sen. Escudero at Sen. Villar sa panukalang ginawa ng UP Widem. Bakit sila nanahimik? Bakit hindi nila ipinaglaban ang mga panukalang batas nila? Binasa ba man lang nila ang mga panukalang batas na ipinasa nila? Ang tanong ng lahat: oposisyon pa ba sila?


(3) CHARTER

Mainam balik-aralan ang mga dahilan kung bakit tinututulan ng makabayang mga organisasyon ng iba’t ibang sektor ng UP ang panukalang batas ni Sen. Pangilinan. Simple lang: Dahil hindi nito malakas na itinatali ang Estado sa tungkulin nitong pondohan ang UP. Sa halip, binibigyan nito ng kapangyarihan ang UP na lumikom – sa samu’t saring paraan, kasama na ang pagtataas ng matrikula at pagkokomersiyalisa ng mga lupain nito – ng sariling pondo. Kaugnay nito, pinapanatili nito at pinapalakas pa nga ang hindi demokratikong istruktura ng pagdedesisyon sa iba’t ibang usapin sa UP.

Bangga samakatuwid ang panukalang batas mismong sa pagiging “state university” ng UP – na dapat ay todong sinusuportahan at pinopondohan ng Estado para magbigay sa pinakamaraming mamamayan ng edukasyong karapatan ng bawat isa. Sa iba’t ibang bahagi, natatanaw na babangga ang komersiyalisasyon ng UP sa pang-akademikong atmospera at adhikain nito. Dahil maliit na lupon ng iilang opisyal na hindi nakalubog sa UP ang gusto nitong panatilihin para magpasya sa mga usaping pang-UP, binubusalan nito ang malaya at daynamikong talakayan ng isang komunidad na pang-akademiko.

sen-jamby-madrigal.jpg
Akala mo, si Adrian Ayalin: Ang mahusay na senadora.

(4) EMER

Ano nga ulit ang apelyido ng presidente ng UP? Roman ba o Rama? Alam ng marami na galing sa Kabisayaan si Prop. Judy Taguiwalo, pero malinaw na ipinakita ng mga pangyayari noong Disyembre 18 kung sino ang sinapian ni Annabelle Rama sa Senado noon. “Gumagawa ka ng pagkakamali sa Unibersidad!” bulyaw daw niya kay G. Marco Dominic delos Reyes, na dating Student Regent ng UP at bumoto pa nga kay Gng. Roman noong nahati ang botohan sa pagkapangulo ng UP sa Board of Regents. Sabi pa raw niya, “Approach-approach ka diyan, ha! Basagin ko iyang salamin mo, Dong!”

Siyempre, eksaheradong biro na lang itong huli. Pero hindi birong sabihing may ilang matututunan. Angkop ang panukalang batas ni Sen. Pangilinan sa neo-liberal na mga patakaran ng gobyerno, na nagtatanggal sa papel ng Estado sa ekonomiya – kung saan itinuturing na negosyo ang edukasyon – at nagtataguyod ng tinatawag nilang “malayang pamilihan”. Ipinakita ng ginawa ni Pres. Roman at ng pagtutol niya sa “demokratisasyon” ng UP, kung paanong silang nagtataguyod ng “malayang pamilihan” ay sumasalalay sa hindi malayang palitan ng mga ideya, o sa mapanupil at brusko pa ngang mga paraan.

Kataka-takang hindi nasalubong nang maayos ni Pres. Roman ang matapat at harapang pagla-lobby ng UP Wide Democratization Movement o UP Widem sa Senado. Kasi, kilala rin namang bihasang pulitiko si Pres. Roman. Bantog ang kuwento hinggil sa halalan ng Board of Regents para sa Tsanselor ng UP Diliman. Noong unang round ng botohan, ibinoto niya si Prop. Cynthia Rose Banzon-Bautista, kilalang kadikit ni dating Pres. Francisco Nemenzo, Jr. ng UP na mahalaga sa pagkakahalal ni Pres. Roman mismo. Tabla ang botohan. Noong ikalawang round, ibinoto niya si Prop. Sergio Cao.

Nanalo si Prop. Cao, na kilalang kadikit ni Pres. Roman at kaguro niya sa kolehiyo. Bukas na lihim na sa ganyang mga botohan sa Board of Regents, ang boto sa unang round ay pambayad sa pampulitikang pagkakautang, habang ang boto sa ikalawang round ang tunay na boto. Lumalabas na nagbayad lang ng pampulitikang pagkakautang si Pres. Roman sa kampo ni dating Pres. Nemenzo at pagkatapos ay bumoto na sa tunay na itinibok ng kanyang puso. Ang punto: Batikang pulitiko si Pres. Roman. Kataka-takang sinalubong niya nang ganoon ang lehitimo at tapat na pagla-lobby ng UP Widem.


(5) TERMINO

Kung anuman, tumutugma ang ikinilos ni Pres. Roman sa Senado nitong Disyembre sa pangkalahatang rekord ng kanyang administrasyon. Sa kabila ng malaganap na pagtutol, ipinatupad niya ang komersiyalisasyon ng UP na walang kaparis sa huling karanasan nito. Itinaas niya ang matrikula ng mga estudyante mula P300 kada yunit patungong P1,000 – bukod pa sa pagtataas ng mga bayarin sa laboratoryo. Ipinuslit niya ang isang dambuhalang commercial center – na mayroong call center! – sa mga lupain ng UP sa pagpapanggap na bahagi ito ng tinatawag na “Science and Technology Park”.

Naganap din sa kanyang termino ang pagpapaatras sa ilang tagumpay sa paglaban para sa demokratikong mga karapatan ng iba’t ibang sektor ng UP – na kailangan nang lagumin na “kontra-aktibismo”. Sa kampus ng UP Diliman, hinigpitan ang paggamit ng iba’t ibang lugar na lunsaran ng mga kilos-protesta. Tinanggal ang mga bulletin board sa mga waiting shed na lagusan ng panawagan. Nagpatupad ng patakarang “No ID, No Entry” dahil, sabi noong una, makakapigil daw iyon sa pagnanakaw ng mga kagamitan. Nabalita rin ang pagpapasok ng mga Marines para maging tauhang panseguridad. Rurok ng yabang nito ang pagpanukalang ipagbawal ang mga fraternity sa kampus.

Ang masama pa, laman ng panukalang batas na itinulak nina Pres. Roman sa Senado nitong Disyembre ang probisyong nagpapahintulot na mapahaba o mapalawig ang termino ng pangulo ng UP, hindi isang termino lamang tulad ngayon. May interes ba si Pres. Roman na mamuno hindi lamang sa taon ng sentenaryo ng UP kundi hanggang abutin din siya ng sentenaryo? Kung itatambal ang ganitong probisyon sa tindi ng mga patakarang ipinatupad niya sa UP sa kanyang termino, hindi malayong isiping magkatulad sila ni Gloria: naniniwalang tagapagsalba sila ng pinapamunuan nila.

Dahil sa mga hakbanging ito, may nagsasabing lumalaganap ang pagtutol sa administrasyon ni Pres. Roman sa iba’t ibang sektor sa UP. Ayon sa isang kakilala, nitong Disyembre, dumalo si Pres. Roman sa isang aktibidad ng Kolehiyo ng Arte at Literatura – na makakapagmalaking sa kanilang gusali binato ng itlog at putik si Hen. Hermogenes Esperon noong kapal-mukhang pumunta ito sa UP. Habang palakpakan ang isinalubong ng mga manonood sa mga hurado sa nasabing aktibidad, isang malakas na “boo” diumano ang matapang na ipinarinig sa kapita-pitagang pangulo.


(6) KOMUNIDAD

“Ang hindi natin pagpapabaya” ang pinapurihan ni Prop. Taguiwalo sa kanyang ulat, nang ang tinutukoy ay ang iba’t ibang sektor ng UP, lalo na ang mga miyembro ng UP Widem. Sa hinaharap marahil, babalikan ng tanaw sina Prop. Taguiwalo at kanyang mga kasamahan bilang matatalas at magigiting na mandirigma laban sa todo-todong komersiyalisasyon ng UP at sa paghahari ng diktadura sa pamantasan. Samantala, tinurol niya ang susunod na labanan: ang bicameral conference committee meeting sa Enero. Tiwala tayong tutugon sa hamon at hindi aatras ang iba’t ibang sektor ng UP.