Budget Pangkalusugan Dagdagan
Isang makabuluhang araw ang Biyernes, Enero 5, 2007. Una, nagkaroon ng pangkalahatang pulong ang unyon kung saan mayoryang napagkasunduan ang isang kilos-protesta upang ikondena ang Memo #2006-131 na nagsasaad ng dagdag at bagong singilin sa serbisyo ng PGH. Ikalawa, ang dagliang pagpapalabas ng panibagong kautusan ng PGH Administration: Memo# 2007-05 na nag-uutos ng pansamantalang pagpapatigil ng dagdag na singil sa blue card (mula P7.00 naging P15.00) at planong O.R. fee sa charity (P1,500.00)
Sa pagtingin ng unyon, ginawa ito ng PGH admin upang mapigilan lamang ang nakatakdang kilos-protesta sa araw ng kanyang inagurasyon (Enero 8, 2007). Malinaw na ang usapin ng rates increase sa PGH ay hindi pa tapos sapagkat ang dagdag na singil sa blue card at ang bagong O.R. fee sa charity ay “ipinagpaliban lamang hanggang sa pag-uusap sa ika-9 ng Enero 2007.
Ang All U.P. Workers Union ay nananawagan sa ating mga kawani at mamamayan na patuloy nating tutulan ang isyu ng rates increase sa PGH, sapagkat isa lamang ito sa maraming hamon sa atin ng 2007. Bilang siyang pinakamalaking ospital ng bansa, ang anumang nangyayari sa PGH ay sumasalamin sa kalagayang pangkalusugan sa buong bansa.
Simula pa ng taong 1993 hanggang sa kasalukuyan, ang budget ng ospital na nagmumula sa Pambansang Pamahalaan para sa personnel at MOOE ay nakatali lamang sa isang bilyong piso (P1 Bilyon) samantalang ang kabuuang pangangailangan ng ospital ay umaabot na sa mahigit P2 bilyon. Sa tuwi-tuwina, ang pambansang pamahalaan lalo na ang Malakanyang ay nagsasabi na mayroong sapat na pondo para sa serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan. Subalit kung ating susuriing mabuti ang mga pangyayari, hanggang bukang bibig lamang ang lahat.
Sa isang banda, nakikita natin ang bilyon-bilyong pisong napupunta lamang sa graft and corruption tulad ng Macapagal Boulevard, Fertilizer Scam, ang pagwawaldas sa GSIS at marami pang iba. Sa tuwi-tuwina din, nandidiyan ang pagtaas sa suweldo ng pulis at military at ang taon-taong pagtaas ng budget ng pulis at military. Kamakailan lamang ay nag-anunsiyo ang Malakanyang at AFP na bukod sa dagdag budget ay mayroong nakahiwalay na P10 bilyon ang military para sa modernization nito para sa 2007. Kung ating matandaan noong panahon ni Presidente Ramos, mayroong P40 bilyon para daw sa AFP Modernization subalit nawala lang ang P40 bilyon at ni isang bagong jetfighter at barko ay walang nabili, sa halip nakikita natin na ang lahat na mga matataas na opisyal ng AFP lalo na ang mga Comptroller nito ay naging mga milyonaryo.
Samakatuwid hindi ito usapin ng kakulangan ng pondo para sa serbisyo, ito ay usapin ng maling pamamalakad ng pamahalaan at prayoridad nito. Kaya’t nasa atin ang paggigiit na bigyang prayoridad ang serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan at edukasyon.
Tutulan Ang Dagdag At Bagong Singilin Sa Serbisyo Sa PGH-Ang Ospital Ng Bayan! Magmalasakit Para Sa Mamamayang Pilipino; Paglingkuran Ang Sambayanan!
All U.P. Workers Union
Ika-8 ng Enero 2007
Thursday, January 11, 2007
Subscribe to:
Posts (Atom)