Pages

Friday, January 28, 2005

GMA: OO NANG OO SA MGA DAYUHAN! TUTULAN ANG PAGTAAS NG VAT!

Dagdag na P3,000 across-the-board para sa mga kawani, guro at REPS!
Sapat na badyet para sa UP, PGH at sa sektor ng edukasyon at kalusugan!
Ilipat ang pambayad-utang sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan!

Mula 2001 pa ang kahilingan natin para sa dagdag na sahod para sa mga kawani, guro, REPS at iba pang kawani ng pamahalaan. Hanggang ngayon wala pa ring dagdag na sahod para sa atin.

Taon-taon, napapako o nababawasan ang badyet para sa edukasyon at kalusugan, kabilang na ang badyet ng Unibersidad ng Pilipinas na sa taong ito ay nakaambang bawasan ng P357 milyon, ang pinakamalaking pagbabawas sa ating badyet sa ating kasaysayan. Samantala ang budget ng PGH at napako na lamang sa P1 Bilyon simula pa ng 1993.

Kahapon, nang madaling araw, walang pagdadalawang isip na ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na dominado ng mga kasabwat ni Gloria Macapagal Arroyo ang HB 3555 na nagdadagdag ng 2% sa Value Added Tax o kabuuang 20% na pagtaas mula sa dating 10% tungo sa 12%. Ang pagtaas ng VAT ay tugon ng administrasyong Macapagal-Arroyo sa rekomendasyon ng Post-Program Monitoring Team ng International Monetary Fund na narito noong Hunyo 25-Hulyo 8, 2004, na taasan ang Value Added Tax.

Totoong exempted sa VAT ang ilang bilihin tulad ng mga produktong agrikultural (gulay,isda) at ilang serbisyo, pero saklaw nito ang maraming produkto at serbisyo. Mararagdagan ang buwis sa pagkaing tulad ng asukal, kape, pan de sal, mantika, sardines, noodles), damit, sapatos, gamot, bayad sa telepono, construction materials, semento at marami pang ibang pangangailangan. Kung gayon, dagdag na pasanin ang pagtaas ng VAT sa mamamayan laluna sa mahihirap at mga fixed salary employees tulad nating mga kawani, guro at REPS ng UP.

Dagdag na namang patotoo ang pagtutulak sa pagtataas ng VAT ng administrasyong Macapagal-Arroyo habang bingi ito sa kahilingan natin sa pagtaas ng ating sahod at dagdag na badyet sa edukasyon at iba pang serbisyong pampubliko, na pinauuna nito ang interes ng mga dayuhan! Tandaan natin na sa P907 B badyet para sa 2005 na nakatakdang aprubahan ng Senado ngayong Pebrero, P301.6 bilyon o 1/3 ng kabuuang badyet ang nakatalaga para sa pagbayad sa interes sa utang sa dayuhan. Kapag isama ang P344.1 bilyon na otomatikong nakatalaga sa bayad sa prinsipal sa utang, P645.7 bilyon ang nakatalaga para sa mga dayuhang bangko para sa 2005. Samantala, P111 bilyon lamang ang nakatalaga para sa batayang edukasyon at P16.8 bilyon para sa mga state universities and colleges at P10.3 bilyon lamang para sa kalusugan.

Kaya malinaw na ang dagdag na pasanin sa buwis na kakarguhin ng mamamayan ay pangunahing pupunta sa pambayad utang, hindi para sa kagalingan ng mamamayan.

Sama-sama nating tutulan ang dagdag sa VAT at pagpaprayoridad sa pambayad utang ng pamahalaang Macapagal Arroyo.

Ipaglaban natin ang pagtaas sa ating sahod at ang dagdag na badyet sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan.


ALL-UP WORKERS UNION
ALL-UP ACADEMIC EMPLOYEES UNION
Enero 28, 2005

No comments: