YES! Sa Dagdag Na Benepisyo!
YES NA YES! Sa Isang Sakong Bigas Bawat Quarter!
Hango mula sa: PANDAYAN
Opisyal na Pahayagan ng All U.P. Workers Union at
All-U.P. Academic Employees Union
Espesyal na Isyu Hulyo 2004
Sa tuwing tayo ay hihingi ng dagdag na benepisyo katulad ng rice subsidy, ang sinasabi ng kasalukuyang administrasyon ay wala o kulang ang savings ng UP. Sumusobra na ba tayo sa ating mga hinihingi? Di ba natin nababalanse ang ating mga hinihingi sa pang-akademikong misyon ng Unibersidad?
MGA KAPWA KAWANI: MAKATWIRAN AT MAKATARUNGAN ANG ATING MGA KAHILINGAN. KAYA NG ADMINISTRASYONG NEMENZO NA IBIGAY ANG APAT NA SAKONG BIGAS BAWAT TAON AT ANG IBA PANG PANG-EKONOMIYANG BENEPISYONG NAKAPALOOB SA ATING COLLECTIVE NEGOTIATION AGREEMENT.
Mainam na suriin natin ang ilang mga datos pampinansya na galing mismo sa Quezon Hall para muling ipahayag na makakayanan ng administrasyong ito na ipatupad ang nilalaman ng CNA na pinimarhan mismo ni Presidente Nemenzo.
- Nakapaglaan sila ng P295 milyon para sa Academic Distinction Fund at Creative and Research Scholarship Fund noong Nobyembre 25, 1999. Dito kinukuha ang tig P50,000 gantimpala sa bawat faculty o REPS na nakapagpalabas ng artikulo sa isang international refereed journal. Sa laki ng halagang inilaan para dito, nakasasapat na ang interes bawat taon ng pondo para matustusan ang taunang pagbibigay ng gantimpala.
Samantala para sa mahigit na 9,000 kawani, P5 milyon lamang ang inilaan nitong Hunyo 15, 2004 para sa Administrative Personnel Development Fund. Masyado naman yata ang laki ng agwat ng P295 milyon at P5 milyon! Ang bait, bait nila, di ba?
- Ayon sa UP Newsletter nitong Hunyo 28, 2004, ang UP System ay may revolving fund (RF) na P680.553 milyon habang ang PGH ay may P255.150 milyon. Ayon din sa naturang isyu ng UP Newsletter, kadalasa’y 75% hanggang 80% ang nagagamit mula sa RF para pandagdag sa panustos sa operasyon ng Unibersidad.
Kung gayon, mga P544 milyon (80% ng P680.553 milyon RF ng UP System) ang magagamit para sa taong ito at may matitirang mahigit na P138 milyon bilang savings. Mga P36 milyon lamang ang katumbas ng apat na sakong bigas bawat kawani na hinihiling ng Unyon bilang pagpapatupad sa nilalaman ng ating CNA. Di ba kayang ibigay? Sa totoo lang, pati bahagi ng ating back COLA ay kaya ding ibigay kung nanaisin lamang ng Administrasyong Nemenzo.
- May P10,000 pala bawat taon ang mga opisyal ng UP para sa kanilang annual executive check up, samantalang para sa mga empleyado at mga karaniwang guro ng UP ay di pa umaabot ng P200 ang nakalaan para sa ating annual physical exam.
Di ba sila nahihiya niyan? Sila na ang malalaki ang sweldo at may mga RATA/honorarium, de kalidad pa ang kanilang check up habang kararampot lang ang halagang nakalaan para sa ating kalusugan.
- Sa ilang pulong ng mga opisyal ng UP, tumitira sila sa mga mahahaling hotel tulad ng Waterfront Hotel sa Cebu at Camp John Hay sa Baguio.
- Itinaas ang honorarium ng matataas na opisyal ng UP na matataas na ang sahod at may mga RATA pa ang pangunahing nakikinabang dito dahil sa sangkaterbang komite ang kanilang inuupuan. Hinahamon natin ang Administrasyong Nemenzo na magpalabas ng listahan ng mga kasapi ng lahat ng mga komite na may honorarium sa UP System at UP Diliman para malaman ng madla kung sino ang nakakatangap ng halos P20,000 bawat buwan mula lamang sa honorarium sa committee membership!
- Tiyak na hindi maipagkaila ng Administrasyong Nemenzo na may investment ang UP dahilan sa may investment office ang Unibersidad sa ilalim ng Office of the Vice President for Finance at lalong tiyak na may investment tayo sa treasury notes/bonds at mga time deposits sa Land Bank at DBP. Sa ating palagay, kahit 1/4th lamang ng interes ng isang time deposit kaya nang matustusan nito ang apat na sakong bigas bawat taon para sa lahat ng kawani ng UP at kaya din ang bahagi ng ating back pay ng COLA.
Uulitin natin, kaya ng Administrasyong Nemenzo na ibigay ang apat na sakong bigas bawat taon para sa mga kawani ng Unibersidad at ang iba pang pang-ekonomiyang benepisyong nakapaloob sa ating CNA. Pero tulad ng iba pang mga laban natin sa nakaraan, kailangang maipakita natin ang ating pagkakaisa at sama-sama nating igiit ang ating mga kahilingan.
Paghandaan nating mabuti ang ating mga susunod na pagkilos; kung kinakailangan tayong mag mass leave gawin natin.
Makiisa, sama-sama nating ipaglaban ang ating dagdag na benepisyo!
Igiit ang mga tagumpay na nakamtan natin sa ating Collective Negotiation Agreement!
_________________________________________________________________
Mga Tanong ng mga Kawani na Hindi Kayang Sagutin ng Unyon:
??? Nagkukulang na ba ng kwalipikadong faculty ang UP? Bakit triple ang responsibilidad ni Prop. Erlinda Echanis? Siya na ang Dean ng College of Business Administration; siya pa ang Officer-in-Charge ng opisina ng Vice-President for Finance at siya pa ang OIC ng UP System Budget Office!!
??? Ano ang nangyari at biglang nagkaroon ng bagong restoran sa loob ng UP Diliman? Ang Tree House na kadikit ng Institute of Small Scale Industries (ISSI) ay bagong bukas at nagsisilbi pa ng beer. Paano nangyari ito Vice Chancellor Pineda: yung may restoran at pagpayag na magsilbi ng beer sa loob ng campus? Magkano ang upa nito sa UP at saan napupunta ang upa?
Baka alam ninyo ang sagot sa mga tanong na ito. Pakipaabot lamang sa unyon!
_oOo_