Sa meeting ng Union Management Consultative Body (UMCB) na naganap noong Mayo 24, 2004 sa U.P. Manila, ipinahayag ni Vice-President for Administration Martin V. Gregorio na pumayag ang U.P. na magbigay ng bigas na maaaring magsimula ng Hunyo kung papayag ang unyon na kunin sa P 5,000 cash incentive na ating natatanggap tuwing Disyembre. Bagama’t sinabi din sa pulong ni VP Gregorio na kung magkakaroon pa ng karagdagang savings ay muli nila itong bubuuin, ngunit iginiit ng unyon na hindi dapat ito kunin sa P 5,000.00, batay sa mga sumusunod na kadahilanan:
- Sa kasalukuyan, ang mga non-academic rank-and-file employees ay mayroong isang collective negotiation agreement (CNA) sa U.P. Administration na naglalaman ng mga pang-ekonomiyang benepisyong katulad ng RICE SUBSIDY. Kung gayon, ang usapin ng rice subsidy ay usapin ng tagumpay ng non-academic rank-and-file para sa dagdag na benepisyo na hiwalay pa sa dating natatanggap na ng mga empleyado.
- Ang kasalukuyang bilang ng mga non-academic rank-and-file personnel na kabilang sa CNA ay maaaring aabot lamang ng 9,000, kayat ang halagang kinakailangan ay P 9 million bawat quarter o P 36 million kada taon (katumbas ng apat na sakong bigas) at kung may mga constituent unit na may problema sa badyet, sa aming paniniwala, ay kaya ng System Administration na tulungan sila.
- Ang mga non-academic rank-and-file employees ang halos may pinakamababang sweldo sa Unibersidad at wala o halos walang dagdag na mapagkukunan na pandagdag sa ating sweldo. Ating uulitin, 2001 pa ang huling pagtaas sa ating sweldo at kinakaharap natin ang walang hintong pagtaas sa mga presyo ng bilihin, ng pasahe at ng araw-araw na pangangailangan. Ang isang sakong bigas bawat ikatlong buwan ay malaking tulong para sa atin.
Sa mga panimulang pakikipagtalastan ng mga opisyal ng Unyon sa mga kawani, malinaw ang mariing pagtutol ng mga kawani sa ganitong sagot ng administrasyong Nemenzo. Sabi nga ng ilan, “gigisahin tayo sa sariling mantika”. “Iba ang bigas sa ating CNA sa ating year-end incentive”.
Sa kabuuan ay naniniwala tayong kayang ibigay ng kasalukuyang administrasyon ang ating kahilingan kung nanaisin lamang nito at mabibigyan ng mas malaking prayoridad ang mga benepisyong katulad nito.