Jossel I. Ebesate National Executive Vice President All U.P. Workers Union |
U.P. at P.G.H. Bilang Unibersidad at Ospital ng Bayan, at Para sa Bayan
ni G. Jossel I. Ebesate
Sa mga nakuhang aral sa karanasan ng ating unang Staff Regent, ating mithiin na tuluyan nang pawiin ang diskriminasyon sa loob ng pamantasan lalo na sa pagkakaloob ng mga benepisyo at mga karapatan bilang kawani. Ang UP at PGH bilang mga pampublikong institusyon ay dapat maging huwarang institusyong mapagkalinga sa mga kawani nito, at kumikilala sa karapatang pantao ng may pagkakapantay-pantay. Bilang bukod tanging ”national university” nararapat lamang na maging huwaran at moog rin ito sa pagharap sa mga isyu ng bayan at sa pagbibigay ng de-kalidad at abot-kayang serbisyo sa Sambayanan.
Bilang kinatawan ng kawani at REPS sa BOR, tungkulin ng Staff Regent na maghapag ng mga patakaran kaugnay ng kagalingan at karapatan ng ating hanay, makibahagi sa pag-apruba ng mga patakaran na may kinalaman sa buong unibersidad, tumindig sa mga apela ng mga kawani, REPS at faculty sa Lupon bilang pinakahuling antas ng pagdedesisyon sa loob ng unibersidad. Titiyakin nating magampanan ito nang lubusan sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga kawani at REPS sa iba't ibang campus ng UP.
Sa partikular, nais nating isulong ang mga sumusunod, sa loob ng dalawang taon:
- Magkaroon ng makatarungan at makatotohanang position classification at salary scale na may makabuluhang pagtaas ng sahod para sa lahat ng mga administratibong kawani at REPS, simula sa Salary Grade 1. Kasama na ang pagkakaroon ng sariling career path ng mga kawani at REPS, at ang awtomatikong promosyon sa mga nagkaroon ng doktorado o Ph.D, tulad ng ginagawad sa mga faculty.
- Siguraduhin ang malinaw at makatarungang pamantayan sa pagbibigay ng mga benepisyo sa lahat na mga kawani ng unibersidad. Kasama nito ang pagkakaroon ng pantay na hatian ng budget para sa lahat ng sektor (faculty, admin, reps) tuwing magkakaroon ng merit promotion at sapat na pondo para sa lahat na mga kwalipikado sa “sagad award”.
- Pagtitiyak na ang nilalaman ng Collective Negotiation Agreement (CNA) na nilagdaan sa pagitan ng UP Administration, ang All UP Workers Union at ng All UP Academic Employees Union (para sa mga REPS) ay maipapatupad at mapalawak pa. Kasama ang paggiit sa implementasyon ng mga benepisyo sa ilalim ng Magna Carta of Public Health Workers.
- Patuloy sa pakikibaka para magkaroon ng additional two-week sick leave (na pwedeng ma-monetize kapag di nagamit) ang mga kawani at REPS katulad ng naibigay sa faculty.
- Maisaayos ang kalidad ng serbisyo ng mga UP Health Service Clinics sa iba’t-ibang Constituent Units sa pamamagitan ng integrasyon ng mga klinikang ito sa mga Residency Program ng ilang departamento/service units ng PGH at Kolehiyo ng Medisina.
- Pagpapatibay sa demokratikong partisipasyon ng lahat ng sektor sa unibersidad sa pagbabalangkas ng mga polisiyang may kinalaman sa kagalingan at interes ng mga sektor at ng buong unibersidad. Halimbawang istruktura ay ang Pamantasang Asambleya.
- Pagbibigay ng makabuluhang pansin sa kalagayan ng mga empleyadong kaswal at kontraktwal, lalo na ang umaabot na sa 10 taon sa serbisyo o higit pa subalit patuloy na pinagkaitan ng regular aytem.
- Pagkakaroon ng mahusay na staff development program at sapat na staff development fund para sa mga kawani at REPS.
- Patuloy na pagsusulong na ang Unibersidad ng Pilipinas ay unibersidad ng Sambayanang Pilipino at kritikong panlipunan; at ang Philippine General Hospital bilang ospital ng bayan.
- Sa pakikipagtulungan sa Department of Pediatrics ng PGH/Kolehiyo ng Medisina, isulong ang pagtatayo ng UP Integrated School sa UP Manila bilang laboratory school nito, at magsilbing dagdag na benepisyo para sa mga anak ng mga kawani, REPS at faculty.