ALL-UP WORKERS UNION AT ALL-UP ACADEMIC EMPLOYEES UNION
Halos walang ibinigay ang administrasyong Roman sa kahilingang inihapag natin sa President’s Advisory Council meeting ng Mayo 21, 2008.
Ganito ang ibinihagi ni UP Vice President for Administration Arlene Samaniego sa mga kawani, REPS at guro na matyagang nag-antay hanggang alas dose ng tanghali:
- Pag-aaralan pa ang hinihingi nating P20,000 centennial bonus
- Ibibigay ang P1,500 para sa bigas pagkatapos ng BOR meeting sa May 30, 2008.
- Sick leave para sa mga kawani at REPS. Meron na raw nito ang mga kawani at REPS
- 50-50 na hatian sa merit promotion. Pag-aaralan pa rin daw ito. Ayon kay VP Samaniego may mga report na hindi daw naubos ang alokasyon para sa merit promotion ng mga kawani at REPS noong 2005!!
Sa Hunyo 18, 2008 na ang isang daang taon ng UP at sa Mayo 30, 2008 ay ang pulong ng Board of Regents na pusibleng mag-uusap kaugnay ng mga benepisyong matatanggap natin para sa mahalagang okasyong ito. Noon pang Enero 8, 2008, inumpisahan ang opisyal na selebrasyon ng sentenaryo ng UP. Marami nang pinaggastusan ang UP kaugnay ng sentenaryo: mga fireworks, mga centennial lectures, mga centennial professorial chairs. Pero hanggang ngayon, pag-aaralan pa nila kung ano ang maaaring tanggapin nating mga karaniwang kawani, REPS at guro para sa sentenaryo. Ano ba yan?
P1,700 para sa rice subsidy
Ang rice subsidy ay dati nang natatanggap natin. Mula P1,000 bawat sako hiniling nating gawing P1,700 bawat sako dahil P34 bawat kilo na ang relatibong maayos ayos na kalidad ng bigas. Sa P1,500 na ibibigay ng Administrasyong Roman, hindi aabot sa 50 kilong bigas ang makukuha natin bilang rice subsidy!!!
Sick leave para sa mga kawani at REPS
“Meron na raw nito ang mga kawani at REPS”. Ano ba yan? Noon pang Nobyembre 2008 ay sumulat na ang dalawang unyon natin na nagpapaliwanag kung bakit tayo humihiling ng sick leave para sa mga kawani at REPS
Ang esensya ng kahilingan natin ay ang pagbibigay suporta ng Administrasyong Roman sa mga kawani at REPS na mayroon o magkakaroon ng malalang sakit tulad ng suportang ibinibigay sa faculty na siyang pinagmulan ng extended sick leave. Ang pagsagot na meron ng leave credits ang mga kawani at REPS ay hindi tumuturol sa esensya ng usapin at nagpapakita na bingi ang Administrasyong Roman sa pangangailangan ng tulong ng mga kawani at REPS na may malalang sakit.
Bakit hindi saklawin ang mga kawani at REPS ng probisyong katulad sa ibinigay sa mga regular, full time faculty members na may naipong leave credits bunga ng paging administrador. Sa naturang probisyon, ang mga faculty na may naipong leave credits na magkakaroon ng malalang sakit ay magkakaroon ng sick leave with pay sa ilalim ng ganitong patakaran hanggang sa maksimum (10 araw sa bawat taon ng panunungkulan) bago nila gamitin ang naipong leave credits.
50-50 na Alokasyon para sa Merit Promotion ngayong 2008
Nakakainsulto ang tinuran ni VP Samaniego na “may report na hindi naubos ang alokasyon para sa mga kawani at REPS sa hatiang 80-20 noong 2005”. Alam ba ni VP Samaniego at ng mga kagawad ng PAC na sa guidelines noong 2005 promotion, isang step lamang ang pwedeng maitaas ng isang kawani o REPS sa saklaw ng limang taon (1999-2005) ? Kaya kahit na kwalipikado ang marami rami na lampas sa isang step na promotion, ay hindi nila nakuha ito. Ngayon naman, sa guidelines for promotion, kailangang OUTSTANDING ang kawani o REPS habang satisfactory ang minimum na hinihiling para sa faculty teaching. Mga kagalang-galang na mga panginoon sa Quezon Hall. Ang one step o two step promotion ng mga kawani ay magkakahalaga lamang sa karaniwan ng dagdag na P150 o P300 bawat buwan!!! At sa marami-raming opisina, nagmulti-tasking na ang mga kawani dahil sa patuloy na atrisyon sa hanay nila. At wala pang overtime pay para sa kanila!!!
Hindi namin lubos maisip kung paanong nakatutulog nang mahimbing ang mga administrador ng unibersidad gayung nagpapatupad sila ng hindi makatarungan at hindi makataong mga patakaran. Paano nila nagagawang magpatupad ng mga patakarang nagpapalaganap ng elitismo at indibidwalismo sa hanay ng iisang sektor sa halip na pagbuklurin ang lahat ng sektor.
Lahat ng kawani ng unibersidad -- administratibo, REPS o guro man -- ay may mahalagang papel, batay sa kanilang posisyon, sa pagpapaunlad at pagpapayabong ng dantaon nang unibersidad. Nakapagtataka kung bakit hindi makatarungan ang pamantayan sa pagbibigay ng merit awards. Hindi nga ba't ang pagtingin ay "to the extend that his/her position will permit"? Nangangahulugan ito na lahat ng kawani ng unibersidad ay esensyal na miyembro ng tumatakbong institusyon.
Hindi maglulubay ang All UP Workers Union at All UP Academic Employees Union sa paggigiit ng benepisyo para sa mga kawani, REPS at guro batay sa prinsipyo ng social justice at equity. Hindi maglulubay ang ating dalawang unyon sa paglantad sa parami-rami at tumitinding diskriminasyon sa pagtrato sa mga kawani at REPS sa ilalim ng Administrasyong Roman.