Pages

Monday, February 01, 2010

Tanda ng Panunupil, Tugon ng Paniningil

Pahayag: Hinggil sa Hindi Pagkilala at Panunupil Kay Student Regent Bañez
ANAKBAYAN –UP Diliman*
League of Filipino Students – UP Diliman*


February 1, 2010 9:34 AM


Sa harap ng lumalalang krisis sa edukasyon, muling lumilitaw ang pangil ng panunupil ng administrasyon sa loob ng unibersidad.

Nilisan ng apat na rehente ang pinakahuling pulong ng Board of Regents ngayong Enero, bilang protesta sa pagnanais nila Pangulong Emerlinda Roman at iba pang kasapakat niya na bawiin ang mga nabuong desisyon sa pulong nila noong nakaraang buwan.

Tampok dito ang usapin ng paghirang sa direktor ng Philippine General Hospital. Disyembre pa sinisikap harangin nila Roman ang pagpapaupo kay Dr. Jose Gonzales, na siyang hinalal ng BOR bilang bagong direktor ng PGH. Hindi pa kikilalanin si Gonzales kung hindi nagprotesta ang mga kawani ng PGH kasama ng ilang rehente.

Sa kabila nito, ipinagpipilitan pa rin nila Roman na mahirang muli ang dati nang direktor ng PGH na si Dr. Carmelo Alfiler, na may basbas ng Malakanyang at panig sa pribatisasyon ng PGH. Minamaniobra ng administrasyon ang pagpapatalsik kay Student Regent Charisse ”Chaba” Bañez upang mabawasan ang sagka sa nasabing plano, at iba pang anti-estudyanteng palisiyang maaaring mapasa sa nalalabing dalawang buwan ng kanyang termino.

Walang batayan ang muling pag-ungkat sa usapin ng katayuan ng SR bilang mag-aaral sapagkat pinahintulutan na nilang bumoto si Chaba noong Disyembre hinggil sa usapin ng PGH. Gamit ang labanang teknikal, pinalalabas nila Roman na walang karapatang maging kinatawan ng mga estudyante ang SR. Subalit kung tutuusin, napakadaling ayusin ang pagkuha ng residency na iginigiit ng panig ng administrasyon, kung hindi lamang nauuwi sa pulitika ang labanan.

Sa puntong ito, malinaw na may interes na pinangangalagaan ang administrasyon sa pagpapaalis sa SR. Payagan man siyang maupo sa BOR sa kondisyon ng pagkuha ng residency o leave of absence, tiyak na hahadlangan ito ng administrasyon ng UPLB, lalo at nakabangga ni Chaba si UPLB Chancellor Luis Rey Velasco dahil sa kanyang kritikal na pagbatikos sa laganap na represyon sa UPLB.

Simula pa lamang ng pagkakaluklok niya bilang SR, inulan na ng kaso’t protesta si Chaba mula sa Chancellor ng UPLB, kabilang ang kaso laban sa konseho ng UPLB dahil sa di raw pagpapasa ng financial statement. Ginawaran ng suspensyon si Chaba at ilang piling kasapi ng UPLB-USC gayong naipasa nila ang financial statement bago matapos ang kanilang termino. Ngayon, nagsisilbi itong tuntungan upang hindi payagan ni Velasco na makakuha ng residency ang SR sa UPLB.

Patuloy na hinaharang ang pagtatapos ng SR dahil sa gawa-gawang mga kasong isinasampa laban sa kanya, at taliwas sa pahayag ng administrasyon, nananatiling estudyante ng UP si Chaba hanggang kasalukuyan, bagaman hindi siya nakakuha ng residency sa itinakdang oras.

Higit sa pamumulitika, ginagamit lamang na tuntungan ang naging kahinaan ni Chaba upang tuluyang alisan ng boses sa loob ng BOR ang mga estudyante.

Sa kasaysayan ng unibersidad, inaabuso ng adminsitrasyon ang kapangyarihan ng BOR upang magpasa ng mga palisiyang kontra-estudyante gaya ng pagtataas ng matrikula noong 2006. Pagtunggali naman dito ang dahilan kung bakit ipinaglaban ng mga iskolar ng bayan ang pagkakaroon ng kinatawan sa loob ng BOR ng iba’t ibang sektor ng pamantasan, kabilang ang mga estudyante, kawani’t kaguruan.

Ang SR ang nagsisilbing daluyan ng isinusulong nating Student Demands tulad ng mas maayos na serbisyo’t pasilidad at iba pa. Nasa estratehikong posisyon din ang SR para alamin ang mga palisiyang nais ipasa ng administrasyon na maaaring makasama sa interes ng mga estudyante. Gayundin upang tutulan ang napipintong pagtataas ng laboratory fees tulad ng sa Civil Engineering, EEE, at pagtaas ng matrikula sa mga kursong gradwado. Mahalaga rin ang paninindigan ng ating SR sa mga pambansang panawagan ng mga mamamayan.

Ngayon, higit lalong kailangan ang presensiya ng SR sa loob ng BOR, lalo at papatapos na ang termino ni Roman sa pagka-Pangulo habang nagkukumahog pa rin itong maipasa ang mga programa ng komersyalisasyon sa UP.

Nagpapatuloy ang laban ng mga iskolar ng bayan para sa ating mga student demands na matagal na nating ipinapanawagan. Matining ang pangangailangan upang tiyaking hindi mawala ang kaisa-isang tinig ng mga mag-aaral sa loob ng BOR na siyang nagsusulong ng ating mga interes at maniningil sa administrasyon para sa ating demokratikong karapatan.

Batikusin ang maniobra ni Roman at mga kasapakat sa BOR!
Pangulong Roman, taksil sa pamantasan!

Ipagalaban ang ating mga student demands!
Ipagtanggol ang Opisina ng Rehente ng mga Mag-aaral!
Manindigan para sa ating Karapatan at Kagalingan!
Wakasan ang komersyalisasyon at pribatisasyon ng UP!


Makiisa sa Systemwide-Coordina ted Programa ng Pagkundena sa mga hakbangin ng BOR at laban sa patuloy na komersyalisasyon at panunupil sa pamantasan. Martes, Pebrero 2, 11:30 ng umaga sa Bulwagang Palma.

-----------------
*Ang ANAKBAYAN at LFS ay kasapi ng Student Alliance for the Advancement of Demoratic Rights in UP (STAND UP) at ng Kabataan Partylist.

No comments: