Matinding Tutulan ang Tiraniya ng Pekeng Mayorya sa BOR!
Presidente Roman, tama na ang tiwaling pamamalakad!
Igalang ang tunay na mga demokratikong proseso!
Marso 1, 2010
Makasaysasayan ang pulong ng Board of Regents (BOR) nitong Pebrero 25, 2010. Anu’t anupaman, lumabas ang tunay na kulay ni Presidente Roman at ang kanyang pekeng mayorya sa BOR.
Sa unang pagkakataon, pinatalsik ang isang rehenete, ang Rehente ng mga Mag-aaral, sa teknikal na dahilang nahuli siya sa pag-file ngresidency. Bagamat may nakasalang siyang apila para sa residency sa Administrasyon ng UP Los Banos at bagamat may ebidensyang iniharap na may estudyante ng UPLB na binigyan ng residency nito lang Pebero 16, 2010, ipinatupad pa rin ang desisyon ng BOR noong Enero 29, 2010 na tanggalin siya bilang rehente.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Unibersidad, binawi ang pagtatalaga ng isang opisyal ng Unibersidad. Si Dr. Jose Gonzales, hinirang ng BOR noong Disyembre 18, 2009 bilang direktor ng Philippine General Hospital at nanumpang direktor noong Enero 7, 2010 para sa tatlong-taong termino, ay pinagbotohang tanggalin pagkatapos pumasa ang motion na muling balikan ang naunang botohan sa PGH Director.
Sa unang pagkakakataon, ang tatlong hirang ng Malacanang na myembro ng BOR nananatiling nakakapaghari kahit na paso na ang bisa ng kanilang acting appointments. Bilang acting regents ang itinalagang appointment ni Gloria Macapagal-Arroyo sa tatlong Rehente. Si Regent Chua, Regent Gonzales at Regent Sarmiento ay may appointments na mga petsang Enero 1, 2008, Marso 18, 2008 at Setyembre 29, 2008 ayon sa pagkakasunud-sunod.
Batay sa Section 16 at 17 ng Chapter 5, Title I, Book III ng Administrative Code of 1987 (EO 292), may kapangyarihan ang pangulo na magpalabas ng “temporary designation.” Pero hindi dapat lumampas sa isang taon ang temporaryong pagtatalagang ito. (“In no case shall a temporary designation exceed one (1) year.”)
Nananatiling nasa krisis ang Unibersidad sa ilalim ni Presidente Roman at ang kanyang pekeng mayorya sa BOR. May matinding krisis sa demokratikong pamamahala dahil ipinagpipilitan ni Presidente Roman ang kanyang gusto kahit hindi ito matwid. Ninuyurakan ni Presidente Roman ang tradisyon ng demokratikong proseso sa UP, isang layon na itinalaga sa mismong UP Charter na kanyang itinituring na tagumpay ng kanyang administrasyon.
Ang tanging kahihinatnan ng tiwaling pamamalakad ni Presidente Roman ay ang impunity na namamana na rin ng kanyang mga Chancellors. Ang Chancellor sa UP Los Banos Luis Rey Velasco ay trinatrato bilang kampo ng militar ang kampus niya. Kontra-estudyante sa kaliwa’t kanan ng pagkakaso sa mga estudyante, kasama ang pagpigil sa UP Fair doon, walang kinilos para ihinto ang vilification drive laban sa kanyang mga progresibong faculty at mag-aaral, at nagtataguyod sa large class size para sa lahat ng RGEP, foundation at legislated courses ng kampus.
Ibinoto rin ng “mayorya” ng BOR ang muling pagtalaga kay Dr. Gilda Rivero bilang Chancellor ng UP Mindanao sa harap ng malawak na pagtutol ng mga estudyante, kaguruan at istap at nang hindi pa resolbadong paglilinaw sa COA sa mahigit P200,000 na bahagi ng halos P700,000 ginasta ni Dr. Rivero sa kanyang investiture noong 2007 samantalang mga P370,000 lamang ang inaprubahang budget para dito.
Hindi na bago ang pamimili ni Presidente Roman ng opisyal ng unibersidad batay sa ipinakitang loyalty ng mga ito sa kanyang adminsitrasyon. Sa pamimili ng Dekano ng UP Tacloban, pinanigan ni Presidente Roman ang isang nominado na walang doktorado at gumamit pa ng Ph.D. candidate sa kanyang “curriculum vitae” samantalang malinaw na paso na ang kanyang kandidatura bunga ng maximum residency rule.
Noong Sentenaryo ng UP, ang tagline ng administrasyong Roman ay “UP ang galing mo” na siyang dinagdagan ng mga iskolar ng bayan, “UP ang galing mo, ialay sa bayan.” Tunay na nananatiling makabuluhan ang panawagan ito, lalo na kay mismong Presidente Roman at sa natitirang bahagi ng kanyang termino. Bakit niya minamadali ang pagtaguyod ng kanyang mga alyado, pati na ang pagrekomenda sa Malacanang sa kasalukuyang tatlong rehente gayong malapit na matapos ang termino ni Macapagal-Arroyo? Lumilitaw tuloy na mukhang may katotohanan ang kumakalat na balita na may plano pa si Presidente Roman na muling tumakbo bilang presidente ng Unibersidad. Kung totoo ito, ngayon pa lamang mariin namin itong tinututulan.
Ipagtanggol ang ating Student Regent! Igiit ang pag-upo bilang regular na miyembro ng BOR ni Student Regent Charisse Banez!
Tutulan ang pulitikal na represyon sa UP Los Banos.
Labanan ang di-makatarungan at ilegal na pagtalaga ng bagong Direktor ng PGH habang may nakaupong kwalipikadong Direktor na may termino na tatlong taon.
Tutulan ang muling-paghirang kay Dr. Gilda Rivero bilang Tsanselor ng UP Mindanao sa gitna ng malawakang disgusto ng mga guro, kawani at estudyante!
Tutulan ang tiraniya ng pekeng mayorya sa BOR at ng Administrasyong Roman!!
Itaguyod ang tunay na demokratikong pamamahala sa U.P.!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment