Ang All UP Workers Union Manila ay mariing kinukundena ang ginawang pagsawalang bisa ng UP Board of Regents (UP-BOR) sa pagkatalaga kay Dr. Jose Gonzales bilang Director ng PGH (January 1, 2010 – December 31, 2012) pagkatapos na madiskwalipika ang Student Regent. Ang ginawang ito ng (UP-BOR) na sinasabi mismo ng University Secretary na kauna-unahan sa kasaysayang nito ay kinukonsidera ng unyon na isang pang-aabuso sa kapangyarihan at pambabastos sa mga demokratikong proseso at kaseguruhan sa trabaho, na ginarantiya ng Konstitusyon ng Pilipinas.
Maaring naniniwala ang huwad na mayoriya ng UP-BOR na dahil sa dagdag na kapangyarihan nito sa ilalim ng bagong UP Charter (RA 9500), kaya sila nag-aastang diyos-diyosan at nagpapatunay lamang sa pagiging lasing nila sa kapangyarihan. Subalit ang anumang poder ay may hangganan sa ilalim ng Konstitusyon at sa batas, at ang anumang pag-aabuso ay walang puwang sa isang institusyong may kultura at naninindigan para sa pang-akademikong kalayaan, pagkakapantay-pantay, demokratikong konsultasyon at pananagutan (academic freedom, collegiality, democratic consultation and accountability).
Ang unyon ay nanawagan sa buong kumunidad ng UP at ng PGH na tayo ay magkaisang kondenahin ang mga ganitong pang-aabuso sa kapangyarihan dahil kung ito ay ating palagpasin, ang ating mga administrador na dapat siyang magpatupad ng mga batas at patakaran para sa kagalingan ng lahat, ay mamimihasa sa kalasingan sa kapangyarihan at sisirain nila ang ating mga pinagpipitaganang kultura at paniniwala sa ating mga institusyon, bilang isang mahusay na pang-akademikong institusyon at nagapamandila ng mahusay na serbisyong panlipunan.
Ang mga pang-aabuso sa poder ng ating mga policy-makers at mga administrador ay magsisilbing anay na sisira mismo sa pundasyon ng ating mga pinakamamahal na institusyon: ang UP at PGH, na magbibigay puwang sa demoralisasyon at pagkawatak-watak sa hanay nating mga ordinaryong mga kawani.
Itaguyod ang de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Pilipino!
Ilantad at labanan ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng UP-BOR at ang Roman Administration!
Sumama sa kilos protesta, simula ng Lunes, ika-1 ng Marso 2010, ika 7:00 ng umaga sa PGH Information/Lobby/Flagpole area!
Ika-28 ng Pebrero 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment