Pages

Thursday, July 30, 2009

DMMC-FMAB Salot sa Kalusugan ng Mamamayan: Tutulan! Labanan!

Pagkatapos magpalabas ng kalatas ang unyon para tutulan ang pagsasapribado ng PGH Faculty Medical Arts Building (FMAB) noong ika-18 ng Hunyo 2009 ay may pahayag mula sa isang opisyal ng UP College of Medicine at consultant din ng ospital na: “Bakit ba kayo sa unyon ay tumututol pa sa posibleeng kikitain ng PGH mula sa FMAB? Saan nyo ba nais kumuha ng pondo ang ospital para ipandagdag sa kakapusan ng ibinibigay ng gobyerno?”

Samakatuwid, marami ang nasa Administrasyon ngayon ng mahal nating ospital na ang utak ay hindi na serbisyo kungdi ang kumita. Sa halip ang atupagin ay ipaglaban ang karapatan ng mamamayan sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan at igiit ang kaukulang pondo mula sa gobyerno para dito; ang pinagka-abalahan ay ang pag-paplano at pagpapatupad kung papaano pa mahuthutan ang naghihirap nang Sambayanan.

Sa harap ng papalaking bilang ng nawawalan ng trabaho at mga pamilyang nagugutom at siyang bumubuo ng may halos nobenta porsiyento (90%) ng mga pasyente ng ospital ay may sikmura pa silang magpapatupad ng dagdag singil sa mga serbsiyong ibinibigay ng ospital.

Inuulit po natin, ang unyon ay hindi tumututol sa geographical private practice ng ating mga medical consultant, ang ayaw natin ay ang pagtatatayo pa ng mga pribadong pasilidad sa loob ng PGH para kumpetensiyahan ang mga serbisyong ibinibigay ng ospital tulad ng Pharmacy, Laboratory, Radiology, Diagnostic/endoscopic Examinations at iba pa. May mga karanasan na tayo kung saan nagsimula lamang sa paunti-unti partisipasyon ng pribadong mamumuhunan sa mga serbisyong ipinagkaloob ng ospital subalit sa kalaunan sa pamamagitan ng polisiyang ipinatupad ng PGH Administration mismo, pinatay na rin nito ang sariling serbisyo at buong-buo nang ipinaupaya sa pribado, tulad halimbawa ng mga Mechanical Ventilator/Respirator. Sa ngayon ay hindi na nagpopondo ang ospital sa pambili ng sariling respirator dahil nandidiyan naman daw ang mga private respirator leasing companies para magpa-upa (kahit sa charity) sa mga pasyenteng gagamit nito. Tipid na raw sa ”maintenance,” kumikita pa ang ospital mula sa porsiyento ng upa.

Kung atin pa ring matandaan noong dekada nubenta (’90s), may isang mataas na opisyal ng ospital ang may-ari din ng parmasya sa harap ng PGH kaya’t ang nangyari, madalas na walang gamot ang parmasya ng ospital, at ang lahat halos na wala sa parmasya ng PGH ay mabibili mo sa parmasya sa harapan ng ospital.

Ang tawag sa isyung ito ay malinaw na ”conflict of interest.” Tayo ay pumasok sa PGH para magbigay serbisyo sa mamamayan, hindi para pagkakakitaan kahit pa yaong mga kapos-palad nating mga kababayan.

Mula sa mga karanasang ito, maaring sa malapit na hinaharap, kung matuloy ang “private” FMAB, ang madalas na kulang sa gamot o reagent o, pagkasira ng mga gamit ay gawing dahilan ng mga utak negosyong nasa Administrasyon ng PGH upang tuluyan ng isara nito ang PGH Pharmacy, Laboratory, Radiology at iba pa at ipaubaya na lang sa mga private companies ang mga pangangailangan ng ospital sa mga nabanggit na pasilidad. - lantay at tahasan nang pribatisasyon at pagtalikod ng estado sa responsibilidad nitong ipagkaloob sa mamamayan ang abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Tutulan ang pribatisasyon sa PGH! Tutulan ang pagratipika ng Board of Regents sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng PGH at Daniel Mercado Medical Center kaugnay sa FMAB.

Singilin ang gobyernong GMA sa responsibilidad nito sa Sambayanang Pilipino!
Ipaglaban ang karapatan ng mamamayan sa serbisyong pangkalusugan!

No comments: