Sa pagpasok ng PGH sa leasing agreement sa Faculty Medical Arts Building (FMAB) (ang dating PGH Infirmary) sa Daniel Mercado Medical Center (DMMC) ay lumalabas na ang tunay na tunguhin sa modernization program ng kasalukuyang PGH Administration ay lantay na commercialization.
Ayon sa kasunduan, bukod sa pagpapa-upa sa mga PGH consultants para sa kanilang private clinics; papayagan din ang DMMC na mag-operate sa FMAB ng sariling ambulatory operating room, pharmacy, laboratory, radiology, iba pang mga diagnostic facilities, at mga kaakibat na pasilidad.
Ang ibig sabihin, lantaran ng magkakaroon ng mga pribadong pasilidad sa loob mismo ng PGH na eksklusibong magbibigay serbisyo sa mga pribadong pasyente o yaong may kakayanang magbayad. Isang esensiyang karakter ng microprivatization/co-location, kung saan habang minamantini na publiko pa rin ang isang institusyon subalit ang mga serbisyong ipinagkakaloob nito ay nasa pribadong kompanya na, o may kaalinsabayang pribadong serbisyo sa loob mismo ng institusyon upang direktang kinukumpetensiya at unti-unting pinapatay ang pampublikong serbisyo.
Samakatuwid, kung ito ay lumawak pa, isang araw ay magising na lang tayong ang lahat na ng serbisyo ng PGH ay pribado na - may bayad na kasing taas o higit pa sa pribadong ospital.
Ang microprivatization/co-location ay mapanlinlang na tipo ng polisiyang pribatisasyon ng pambansang pamahalaan sa dikta ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB) para ibigay sa pribadong sektor at pagkakakitaan ang mga serbisyong bayan kasama na ang serbisyong pangkalusugan para masegurong makabayad sa mga kautangan nito. Ang mga serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan ay pangunahing batayan ng pagkakaroon ng pamahalaan at sinisiguro ng ating Saligang Batas na dapat ipagkaloob ng estado. Subalit maging ito ay tinatalikuran na rin ng ating pamahalaan.
Ang All U.P. Workers Union ay naninindigan na ang PGH ay ospital ng bayan. Sa panahon ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pandaigdigang pananalanta ng Influenza A (H1N1), ngayon natin dapat pagyamanin pa ang mahusay na serbisyong pangkalusugan na de-kalidad, abot-kaya at laan sa mamamayan, at hindi ang kabaliktaran nito.
Hinahamon natin ang Administrasyong Alfiler, kung kayo ay totoo ayon sa inyong ibinabandila na magaling at talentado, paghusayin natin ang ating serbisyo sa bayan sa paraang hindi na pinapatindi ang panghuhuthot sa ating mga kababayan na hilahod na sa hirap. Huwag nating gawing dahilan na kesyo kulang ang pondo mula sa pambansang pamahalaan. Katunayan mahigit trilyong piso na ang pambansang budget at kung saan halos 90% nito ay napupunta lamang sa pambayad utang, pondong pandigma at terorismo ng estado at kurupsiyon. Huwag kayong tumulad sa inyong among nasa Malakanyang na sa harap ng malawakang akusasyon ng korupsiyon at paglabag sa karapatang pantao ay kapit-tuko sa pwesto at naglalatag pa ng mga mapanlinlang na mga pamamaraan tulad ng Senate-less Con-Ass upang manatili sa posisyon ng lagpas pa ng 2010.
Sa ating mga kapwa kawani, tayo ay pumasok sa PGH upang magsilbi sa sambayanan, huwag tayong pagagamit sa makasariling ambisyon ng mga namumuno sa atin. Tayo ay may sagradong papel upang labanan ang mga patakarang higit pang nagpapahirap sa Sambayanan. Ilantad at labanan ang komersiyalisasyon at pribatisasyon ng PGH. Ipaglaban ang karapatan ng Sambayanan sa batayang serbisyong pangkalusugan.
Mabuhay ang mga kawani ng PGH na taus puso at may pagmamalasakit na nagsisilbi sa ating mamamayan!
_______________
* Pahayag ng All U.P. Workers Union Manila kaugnay sa Signing Ceremonies ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng UP-PGH at Daniel Mercado Medical Center (DMMC) ngayong ika-18 ng Hunyo 2009. Ayon sa kasunduan ang planong Faculty and Medical Arts Building (ang dating PGH Infirmary) ay pangangasiwaan ng DMMC sa loob ng dalawamput-limang (25) taon kapalit ng renta sa PGH.
Tuesday, June 16, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment