Pages

Thursday, October 02, 2008

Sugurin na Ang DBM, Malacañang Para Maipatupad ang 10% Salary Increase

Sa meeting ng Manila Chapter Council ngayong araw, Huwebes, ika-2 ng Oktubre 2008, nagkaisa ang lahat na pagod na ang mga kawani sa paghihintay sa kaukulang aksyon ng UP Administration sa Department of Budget and Management (DBM) para maipatupad ang matagal nang inaasahang 10% salary increase, kaya panahon na upang kumilos ang Unyon upang singilin ang DBM at Malacañang. Anumang pagbali-baligtad ng mga argumento walang nakikitang dahilan ang Unyon para sabihin o ideklara ng DBM na hindi tayo kasali sa nasabing 10% across the board salary increase; na naibigay na sa lahat na mga kawani ng iba't-ibang sangay ng Pambansang Pamahalaan, maliban na lang sa U.P.

Sa tingin ng Unyon, kaya tayo pinapahihirapan ng DBM ay dahil maraming bilang ng mga kawani at mga Professor ng U.P. ang kritikal sa Pamahalaang GMA bunsod na rin ng malawakang korupsiyon at pagpapatupad ng mga kontra mamamayang polisiya kabilang na ang patuloy na pagbaba ng budget pangkalusugan at edukasyon.

At upang gulantangin ang mga nagdidiyos-diyosan sa DBM at Malacañang ay sismulan natin ito sa isang picket-prayer rally sa harapan mismo ng DBM sa ika-14 ng Oktubre 2008, simula ika-9 ng umaga. Inatasan ang mga kumite ng Public Affairs, at Special Projects para sa kaukulang mga public statements, press releases, posters at placards para sa gaganaping pagkilos ng Unyon. Muling binuo ang mga Campaign Groups na unang binuo noong kampanya sa Certification Election noong 2007 upang mangasiwa sa pag-ikot sa lahat na mga opisina at clinical areas ng U.P. Manila at Philippine General Hospital. Inaasahan natin na sasama sa nasabing pagkilos ang hindi bababa sa 300 mga kawani.

Dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo, patuloy na dumadausdos ang kalidad ng ating kabuhayan kung kaya't matagal nang inaasahan ng mga kawani ang nasabing pagtaas ng sahod. Maliit man ito sa ating ipinaglalabang P3,000 buwanang pagtaas ng sahod ay malaking tulong na rin upang maibsan ang kahirapan.

Singilin and DBM at si GMA sa ating kaukulang pagtaas ng sahod! Ipaglaban ang ating karapatan sa nakakabuhay na sahod!

No comments: