Pages

Tuesday, September 30, 2008

Update Sa Naganap Na CNA Negotiation

Ika-6 na Miting ng CNA/UMCB
Noong Setyembre 22, 2008 na Ginawa sa UP SOLAIR
Mula ika-2:00 Hanggang ika-5:00 ng Hapon


Matapos maideklara ng Bureau of Labor Relations-DOLE ang All UP Workers Union noong ika-14 ng Pebrero 2008 bilang panalo sa naganap na CE noong Oktubre 24, 2007 ay naganap ang ika-6 na negotiation meeting sa pagitan ng UP at All UP Workers Union kahapon ika-22 ng Setyembre sa UP SOLAIR. Si Vice-President Theodore Te (abogado ito) at Vice-President Arlene Samaniego (Doctor of Medicine) ang nanguna sa UP Panel, samantalang ang All UP Workers Union panel naman ay binubuo nina: Arnulfo Anoos ang ating kasalukuyang National President, Jossel Ebesate (National Executive Vice President), Benjamin Santos (President ng Manila Chapter), Francisca vera Cruz (Vice-Pres. ng Diliman Chapter) Fredie Sambrano (President ng Los Baños Chapter) Jesusa Besido (National Chairperson, Grievance and Negotiation Committee), Jonathan Beldia (Member, CNA Secretariat) at Clodualdo Cabrera (National Treasurer).

Sa panimula ay inihapag natin ang mga ilang isyu katulad ng update sa ating 10% dagdag sahod, pangalawang P5,000 incentive at pagpapaalala sa ground rules para sa negotiation, partikular na ang tagal ng negotiation (dapat kasi sa loob ng 4 na buwan ay tapos na ito), dahil nga sa lampas na ito sa 4 na buwan.

Sa isyu ng 10 %, ipinahayag ni VP Te na hiningan sila ng MOA ng DBM at ito naman ay naisubmit na nila sa DBM noon pang Agosto 26, 2008, subalit wala pang katugunan ang DBM hinggil dito. Sa usapin naman ng 2nd P 5,000 hiniling ng unyon na maibigay na ito sa Nobyembre 2008, bagay na sinabi naman ni VP Samaniego na pinag-uusapan na ito ng UP Admn at kasama na din ang malaking posibilidad na makakuha pa tayo ng 3rd rice subsidy ngayong taon.

Sa pag-uusap sa laman ng CNA, binalikan muna ang mga deklarasyon ng mga prinsipyo, sa puntong ito hinihiling natin na mapalitan ang katagang consultation ng involvement upang mas lalo tayong magkaroon ng direktang partisipasyon sa mga polisiya at patakaran na pinaiiral ng UP sa usapin ng may kinalaman sa ating trabaho, promosyon atpb., subalit matindi ang pagtanggi dito ng UP panel, maraming sinabing dahilan dito si VP Te, tulad ng wala daw ganitong probisyon sa ibang CNA, at kahit daw sa ruling ng Supreme Court sa kaso ng PAL, ay hindi pinayagan ng korte ang paglalagay ng salitang involvement, dahil ito daw ay para lamang sa management at ito daw ang pag-iiba natin sa management.

Bagama’t matindi ang kanilang pagtutol dito, hindi natin inatras ang ating laban na dapat mula sa consultation ay maitaas ang ating participation na tayo ay direktang maging kabahagi sa mga pagdedesisyon sa mga patakaran at polisiyang ipapairal ng UP na may kaugnayan sa ating pagiging empleyado, kasi kung titingnan natin kala mo ang ilan sa ating mga opisyal ay mga hari o naghahariharian dito sa UP. Dapat nating tandaan na tayo sa UP ay pare-pareho lamang na pinasusuweldo sa pera ng mamamayan at dapat ibalik ang paglilingkod sa mamamayan.

Ipinaliban na lang ng dalawang panig ang pagresolba sa isyung ito sa susunod na mga pagpupulong.

Subalit, kahit medyo matindi ang naging balitaktakan sa simula ng ika-6 Meeting ng CNA Negotiation, marami pa din naming napagka-isahan ang UP at All UP Workers Panel. Ito ang mga sumusunod:

1. 2 days nursing leave for nursing mothers (wala ito sa dating CNA natin)

2. 3 days additional job related sickness leave,non-cumulative at non-commutative – bagama’t ito’y nakapaloob na sa dating CNA natin, mas magiging maluwag ang implementasyon nito, sa dating probisyon kasi kailangan ng medical certificate na pinili ng dalawang panig, kaya halos bihira ang nakakapag-avail nito. Ngayon kailangan mo lamang mag-submit ng medical certificate kung 3 days consecutive mo itong gagamitin, pero kung dalawa o paisa-isa ang gamit hindi na kailangan na mag-attached ka ng medical certificate

3. Rice Subsidy - bukas sila na maging 3 ang ating rice subsidy na may halagang P1500.00 bawat isang sakong bigas, subalit ang proposal natin ay quarterly rice subsidy na minimum 50kg bawat sako ng bigas na mahusay ang kalidad.

4. Hazard Pay para sa mga hazardous ang trabaho – bukas silang tukuyin ang mga empleyadong hazardous talaga ang trabaho, kaya napagkasunduan na magbuo ng komite para dito.

5. Comprehensive Medical Insurance – bukas silang pag-usapan ito, kaya napagkasunduan na magbuo ng komite upang masusing pag-aralan ito at ibigay ang rekomendasyon kay Pangulong Roman.

Natapos ang Meeting dakong ika-5 ng hapon at itinakda ng dalawang panig ang susunod na CNA Negotiation (7th Meeting) sa ika-16 ng Oktubre 2008, ika-2:00 din ng hapon.

No comments: