Pages

Friday, September 28, 2007

Plataporma at mga Nagawa: Ito ang Tunay na Isyu ng Kampanya

Ang kampanya sa Certification Election na gaganapin sa ika-24 ng Oktubre 2007 ay nagsimula na noong ika-13 ng Setyembre 2007. Kaagad-agad ang unyon ay nagpalabas ng mga poster para hikayatin ang ating mga kasamahan na iboto ang All UP Workers Union para pag-ibayuhin ang mga nakamit na tagumpay.

Malinaw sa nakalipas na limang taon ang plataporma ng unyon: Ipaglaban ang Sahod, Benipisyo at Karapatan sa mga Kawani ng U.P., ng Buong Pampublikong Sektor at ang Kapakanan ng Sambayanang Pilipino.

Ito ang dahilan kung bakit sa usapin ng P3,000.00 na dagdag sahod sa pampublikong kawani at back pay ng COLA ay dinadala natin hanggang sa Malakanyang at Kongreso dahil isyu ito ng buong pampublikong sektor at hindi lamang ng UP o ng PGH. Lumalahok din tayo sa kampanya para itaas ang budget ng pamahalaan para sa kalusugan at edukasyon dahil ito ay mga batayang serbisyo na sinasabi mismo ng ating Konstitusyon na responsibilidad ng pamahalaan at dapat binibigyang prayoridad. Ang UP at PGH ay kabahagi din sa isyung ito kaya dapat lamang na manguna tayo para igiit ito sa ating pamahalaan. Suma total, ang isyu ng bayan para sa maayos na serbisyong panlipunan at matinong pamahalaan ay isyu din natin sa UP at PGH dahil tayo ay sumasalamin lamang sa malawak na lipunan. Hindi tayo isang isla na hiwalay sa pangkalahatan.

Nais din nating ipaala-ala sa ating mga kasamahan na ang ating Collective Negotiation Agreement na pinirmahan nooong ika-19 ng Abril 2002 ay isa sa pinakamaunlad sa buong pampublikong sektor, at nais natin itong pagyamanin pa sa susunod na pakikipag-usap natin sa UP. Katunayan, ang CNA proposal na isinumite noong Pebrero 2007 sa UP Administration ay naglalaman ng mga panukalang itaas ang ating CNA Signing Bonus, mula P5,000.00 tungo sa P20,000.00; ang rice subsidy gagawin nang apat (4) na sako kada taon at hindi nakatali sa P1,000.00 halaga kada sako; libreng bakuna laban sa mga nakakahawang mga sakit, tulad ng flu, TB at Hepatitis; at, marami pang iba, tulad ng pagpapa-igting ng pakikipag-ugnayan sa UP Administration sa pagbubuo ng mga polisiya at programa sa mga kawani at serbisyo sa mamamayan (“involvement” sa halip na “consultation” lamang).

Ang lahat ng ito ay pilit na binabale-wala sa kampanya ng kabilang unyon. Subalit sa mga nakakaalam, sa loob ng limang taon nilang panunungkulan (1995 – 2000), wala man lang silang maipakitang kahit isang butil ng bigas para sa mga kawani, at ang P2,500 na signing bonus noong 1995 ay binawi pa dahil hindi ito nakalagay sa kanilang CNA. Ang masahol, ang kanilang matataas na mga opisyal ay di na nga halos nagrereport sa kani-kanilang opisina ay nagpakasasa pa sa pera ng mga kawani at suportang pinansiyal ng UP.#

No comments: