Pages

Thursday, September 27, 2007

Handa Na Ang All U.P. Workers Union Para Sa CERTIFICATION ELECTION (CE) sa Ika-24 ng Oktubre 2007

Sa desisyon ng Bureau of Labor Relations (B.L.R. – D.O.L.E.) nitong unang linggo ng Setyembre 2007, sinabi nito na magkakaroon ng Certification Election sa ating pamantasan (kabilang ang P.G.H.) sa pagitan ng All U.P. Workers Union at sa Organization of Non-Academic Personnel of U.P. (ONAPUP) at/o para sa walang unyon. Tayo sa All U.P. Workers Union ay pinaghahandaan na ang desisyong ito simula pa noong Pebrero 2007.

Kahit na may mga nakalap tayong ebidensiya sa garapalang pandaraya at pamemeke ng pagpapapirma ng kabilang unyon para sa petisyon para sa CE ay napagkaisahan ng National Executive Board na hindi na lang magpresenta pa ng mga testigo dahil magpapatagal lamang ito sa pagdedesisyon ng BLR na magpapatagal din ng anumang mga karagdagang benepisyo na ating makukuha mula sa panibagong Collective Negotiation Agreement (CNA).

Matatandaang bago magsampa ng petisyon para sa CE ang kabilang union ay nakaapat (4) na beses na tayong nag-uusap ng Negotiating Panel ng U.P. Administration na pinapamunuan ni VP Marvic Leonen (Vice President for Legal Affairs ng UP) at nagkasundo na sa ilang dagdag na benepisyo tulad ng Breastfeeding Leave para sa mga nagpapasusong ina.

Kabilang rin sa ating panukala ay ang signing bonus o CNA Incentive na P20,000.00.

Dahil nga sa petisyon para sa CE na isinampa sa BLR ng kabilang unyon noong ika 17 ng Abril 2007 ay itinigil ang bagong negosasyon; at, ipagpapatuloy natin ito pagkatapos ng eleksiyon sa ika 24 ng Oktubre 2007 at pagkadeklara sa All U.P. Workers Union “bilang sole and exclusive negotiation agent.”

Wala tayong duda na dito sa U.P. Manila at PGH ay patuloy na susuportahan ng mga kawaning rank-and-file ang All U.P. Workers Union dahil naiguhit na natin sa kasaysayan ang maraming nagawa tulad ng rice subsidy, dagdag na special privilege leave, pag-gigiit na maisaayos ang mga proseso sa promosyon at mga kasong administratibo, at pagtatag ng mga istruktura para sa tuloy-tuloy na pag-uusap ng lahat na sektor at ng Administrasyon.

Dagdag pa, sa nakaraang dalawang eleksiyon (1994 at 2001), palaging All U.P. Workers Union ang dinala ng buong UP Manila (kabilang na ang PGH), dahil kahit hindi tayo ang kinikilalang unyon ng mga panahong iyon ay tuloy-tuloy tayong nakikipaglaban para sa sahod, benipisyo at karapatan ng mga ordinaryong kawani, di lamang ng UP kungdi ng buong pampublikong sektor.

PAG-IBAYUHIN ANG MGA NAKAMIT NA TAGUMPAY! IBOTO ANG ALL U.P. WORKERS UNION SA CERTIFICATION ELECTION!

No comments: