Pages

Tuesday, January 02, 2007

Rates Increase sa PGH, Di Makatarungan, Tutulan

Isang linggo bago ang Pasko, ginulantang tayo ng Memo mula sa Direktor kaugnay sa bago na namang yugto ng rates increase kasama na dito ang pagtaas ng blue card mula sa P7.00 ay magiging P15.00; at ang O.R. fee sa charity mula sa wala ay magkakaroon na ng P1,500.00 na paniningil. Hindi natin maunawaan ang motibo ng nasabing pagtaas at dagdag na singilin sa harap ng patuloy na pagtaas ng antas ng kahirapan. Nakakalungkot isipin na sa gitna ng pagdiriwang natin ng Pasko at bagong taon, ang anti-mamayang patakaran sa ngalan ng “end-user fee scheme” ay ipinapatupad mismo dito sa atin sa PGH na kilala bilang ospital ng bayan.

Ang All U.P. Workers Union ay kumukondena sa anumang uri ng pagtaas ng singilin sapagkat alam nating ang Sambayanang naghihirap ang lubos na tatamaan ng patakarang ito. Tayo ay naniniwala sa ilalim ng “parens patria” na konsepto ng pamahalaan ay dapat ang mga batayang karapatan tulad ng kalusugan ay pinapangalagaan ng pamahalaan. Kayat dapat bigyan ito ng sapat na budget at hindi iniaasa sa pagbabayad ng mga mamamayang nangangailangan nito, lalo na ng mga mahihirap.

Batay na rin sa pinakahuling survey ng SWS tinatayang may 3.3 milyong pamilya o halos 20 milyong indibidwal ang nakakaranas ng gutom na hindi bababa sa isang beses sa nakaraang tatlong buwan (bagong pinakamataas na record) at ayon na rin sa rekord ng ADB at sa HDI ng UN, mahigit otsenta porsiyento (↑80%) ng mga Pilipino ay nabubuhay lamang o mababa pa sa dalawang dolyar ($2.00) na kita kada araw. Batay sa ganitong datos, masasabi nating walang puso ang sinumang may pakana sa panibago na namang pagtaas na ito, lalo pa at sa loob ng nakaraang limang taon ay walang nadagdag sa suweldo nating mga kawani ng pamahalaan.

Tama na! Sobra na! Panahon na upang tayong lahat ay makialam sa nangyayaring ito sa ating mahal na ospital. Ngayong taong 2007, ipinagdiriwang natin ang ika-100 na taon ng pagkakatatag ng PGH; ito ay itinatag para sa pangangailang pangkalusugan ng nga mamamayan lalo na ng mga mahihirap, huwag natin itong hayaang maging “Private General Hospital.”

Bilang mga kawani ng Philippine General Hospital, marami sa atin ang patuloy at tapat na naninilbihan dahil alam nating tayo ay nakakatulong sa ating mamamayan lalo sa mga mahihirap nating kababayan. Kung ang lahat ng serbisyo ng PGH, kabilang na ang operasyong pang-charity ay mayroon nang bayad, marahil, marami sa atin ang magtatanong: Saan na patungo ang serbisyo ng PGH; ng patuloy na paninilbihan sa PGH? Huwag nating hayaan na ang ating pagseserbisyo ay maging isang negosyo!

TUTULAN ANG PANIBAGONG RATES INCREASE SA PGH – ANG OSPITAL NG BAYAN! PAGTIBAYIN ANG ATING HANAY AT MAGHANDA SA HAMON NG 2007 PARA SA SAMA-SAMANG PAGKILOS!

MAGMALASAKIT PARA SA MAMAMAYANG PILIPINO! PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN!

All U.P. Workers Union
Ika-2 ng Enero 2007

No comments: