2006 P5,000.00 na Additional Incentive at P1,000.00 na Christmas Grocery Allowance Naaprobahan ng BOR dahil sa Sama-samang Pagkilos
Malaking tagumpay ang miting ng Pambansang Konseho (National Council) ng All U.P. Workers Union na ginanap mula ika-21 hanggang ika-23 ng Nobyembre 2006 sa Guest House ng U.P. Tacloban. Ito ay dinaluhan ng lahat na mga kasapi ng National Executive Board (NEB), at mga Presidente at BisePresidente ng mga chapter sa iba't-ibang campus ng U.P. sa buong bansa at ng limang (5) kasapi ng konseho na inihalal sa General Assembly. Sa mga nakatakdang dumalo, ang kinatawan ng U.P. Mindanao at Open University ang hindi nakarating dahil sa problema ng kanilang eskedyul sa trabaho.
Matatandaang ang orihinal na eskedyul ng miting ng konseho ay sa ika-29 ng Nobyembre hanggang ika 1 ng Disyembre 2006 pa sa U.P. Los Baños, subalit dahil sa walang katiyakang sagot ng Management Panel sa miting ng Union-Management Consultative Board (UMCB) noong Oktubre ay naipasya ng NEB na sundan ang miting ng U.P. Board of Regents (BOR) sa Palo, Leyte noong ika-24 ng Nobyembre 2006.
Sa miting ng konseho, naitakda ang mga gawain ng unyon sa taong 2007 kung saan matatapos na ang bisa ng ating Collective Negotiation Agreement (CNA) at panahon na rin ng General Assembly at paghalal ng panibagong mga chapter at pambansang opisyales. Naitakda rin ang ating pagtutol sa mga hindi makatarungang probisyon ng panukalang Government Classification and Compensation Act of 2006 o mas kilala sa tawag na SSL III.
Kaugnay sa CNA, ang unyon ay maghahain ng panibagong teksto para sa panibagong pag-uusap sa U.P. Management bago lumipas ang bisa ng kasalukuyang CNA - mayroon man o walang hamon ng panibagong Certification Election mula sa kabilang unyon. Ayon sa tradisyon, itinakda ang Pangkalahatang Asembleya sa unang linggo ng Disyembre 2007, ito ay gaganapin sa U.P. Los Baños. Magdaraos naman ang unyon ng kampanya laban sa SSL III at sasama sa mga pagkilos ng All G.E. Coalition kaugnay dito sa susunod na mga araw. Ang All G.E. Coalition at binubuo ng mga unyon sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers, COURAGE, Alliance of Health Workers at iba pang mga unyong tunay na kumakatawan ng mga kawaning rank-and-file sa gobyerno.
Sa miting ng BOR (ika-24 ng Nobyembre 2006) , sama-samang kumilos ang mga kawani ng U.P. Tacloban sa pangunguna ng All U.P. Workers Union at mga estudyante ng U.P. Tacloban at School of Health Sciences sa Palo, Leyte sa harap ng Mac Arthur Park Resort Hotel sa Palo. Ang kawni ay upang ipaglaban ang P5,000.00 na additional incentive at P1,000.00 na Christmas Grocery Allowance. Ang sa mga estudyante naman ay upang tutulan ang P250% na panukala ng U.P. Administration na pagtaas ng tuition fee. Iisang boses na sinang-ayunan ng BOR ang hiling ng mga kawani samantalang hindi pa pinag-usapan ang tuition fee increase.
Anim (6) ang mga delegado na nanggaling sa U.P. Manila. Ito ay sina: Elesio Estropigan - Pambansang Ingat-yaman; Belinda Jubilo Santos at Ernesto Ragudos - NC Members-at-large; Jossel Ebesate - Pambansang P.R.O. at Presidente ng Manila Chapter; Jesusa Besido - Bise-Presidente ng Chapter; at, Freddie Waje - Chapter Council Member.
Tuesday, November 28, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment