Pahayag ng All-UP Workers Union at
All-UP Academic Employees Union
Hunyo 16, 2006
Mariing kinokondena ng All-UP Workers Union at All-UP Academic Employees Union, ang mga unyon ng mga kawani, faculty at REPS ng UP System, ang pag-aresto at pagkulong kay Ely Estropigan, Pambansang Ingat-Yaman at kagawad ng National Executive Board ng All-UP Workers Union at mga kabataang – estudyante na sina Oyo Agustin at Mark Singuenza. Ang tatlo ay bahagi ng mga estudyante, kawani at mga guro na nagdaos ng protesta laban kay Gloria Macapagal Arroyo sa bakuran ng UP Philippine General Hospital kahapon, Hunyo 15, 2006.
Inihayag ng mga nagprotesta ang pagtutol sa mga patakaran ng administrasyong Arroyo kaugnay sa patuloy na pagbabawas sa badyet para sa kalusugan at edukasyon, ang pagtaas ng tuition sa UP College of Medicine. Iginiit din ang matagal nang panawagan ng All-UP Workers Union at All-UP Academic Employees Union sa P3,000 across-the-board salary increase at pagbayad sa back-Cola sa mga kawani ng pamahalaan.
Marahas na binuwag ng mga pulis at Presidential Security Guard ang kilos protesta at inaresto ang tatlo. Ayon sa mga pahayag ng pulis, kakasuhan ng “sedition” ang mga hinuli! Kailan pa naging krimen ang mapayapang pagprotesta laban sa mga anti-mamamayan, anti-kawani at anti-estudyante na mga patakaran ng pamahalaan? Matagal na tradisyon na sa UP ang palabang tindig sa mga pambansa at lokal na mga isyu bilang pagsabuhay ng papel ng pamantasan na ”kritik ng lipunan”.
Sa bahagi ng All-UP Workers Union at All-UP Academic Employees Union, naninindigan ito sa unyonismo na militante, progresibo at makabayan bilang katiyakan sa paggigiit sa pang-ekonomiyang kagalingan at demokratikong karapatan ng mga kawani sa UP. Ang naging partisipasyon ni Ely Estropigan at iba pang kasapi ng unyon sa UP Manila sa kilos protesta kahapon ay pagsasabuhay sa ganitong tindig ng unyon at sa balangkas ng paggigiit sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan.
Ang pagbuwag sa kilos protesta sa UP PGH at pag-aresto sa tatlo sa mga kalahok dito ay pinakahuling ebidensya ng patuloy na panunupil ng administrasyong Arroyo sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Hindi masarhan-sarhan ang usapin ng pagiging lehitimo niyang halal na Pangulo bunga ng ”Hello Garci” tapes at patuloy ang oposisyon sa kanya at sa kanyang mga patakaran mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan kabilang na ang mga obispo at iba pang taong simbahan. Patuloy ang panawagan ng mamamayan na bumaba na siya sa pwesto. Sa ganitong kalagayan, walang pakundangan ang paglabag sa ating mga karapatang sibil kabilang na ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at pamamahayag na ginagarantiya ng Konstitusyon na nais ng administrasyong baguhin. Dumaan na tayo sa 14 na taong diktadurya at hindi tutugot ang All-UP Workers Union at All-UP Academic Employees Union sa walang pakundangang pagyurak sa ating mga demokratikong karapatan.
Palayain sina Ely Estropigan, Oyo Agustin at Mark Singuenza!Ipaglaban ang P3,000 across the board salary increase at ang ating back-COLA!
Ipaglaban ang mas mataas na badyet sa edukasyon at kalusugan!
Mariing tutulan ang pagyurak ng administrasyon Arroyo sa ating mga demokratikong karapatan!
Gloria, bumaba ka na!
No comments:
Post a Comment