Pages

Friday, October 01, 2010

Pagbubukas ng FMAB, Pagbagsak ng Kalidad ng Serbisyo sa PGH

Nitong unang linggo ng Setyembre, dalawang “opening ceremony” ang naganap sa atin sa PGH. Una ay ang pagbubukas ng gate sa harap ng UP Manila Oblation Plaza na agad din namang isinara nitong huling linggo ng buwan dahil sa kakulangan ng kahandaan sa mga implikasyon nito sa pasyente, mga kawani at mismong serbisyong ipinagkakaloob ng ospital. At ang ikalawa, ay ang pormal na pagbubukas ng FMAB kasabay ang pagpapakalat ng mga anunsyo sa paglalako ng kanilang mga pribadong serbisyong medical.

Mapapansin natin na hindi pa bukas ang mga klinika para sa mga doktor. Mistulang pyesta sa dami ng tarpulin na halos mismong PGH na ang nagbebenta ng kanilang serbisyo.

Sa mga nagdaang mga araw, napag- alaman natin na malaki ang ibinaba ng kita ng ating Main Pharmacy bunga na rin ng biglaang paglipat ng main gate sa harap ng Oblation para sa pedestrian. Sa Laboratory, diumano ay marami ng procedures ang hindi nagagawa dahil sa kawalan ng reagent. Pati ang ating CT Scan ay normal procedures na lang ang kayang gawin at ang mga special procedures ay sa ibang clinic o ospital na inire-refer ng ilan nating mga doctor, ang ilan ay direktang sinasabi sa mga pasyente na sa FMAB ipagawa ang kanilang diagnostic procedure.

Nagkataon lang ba ito sa pagbubukas ng FMAB o ito na ang sitwasyon ng PGH sa mga susunod na mga araw?

Sa simple nating pagsusuri,malinaw na ang pagpasok ng isang pribadong ospital (FMAB) sa loob ng compound ng PGH gamit ang mga klinika ng PGH Consultants bilang pantakip sa kanilang pagkamal ng kita. At sa pakipagkutsabahan na rin ng ilang administrador ng PGH at UP Manila ay unti-unting papatayin o papahinain ang mga serbisyo ng PGH katulad ng pharmacy, laboratory, radiology at iba pang diagnostic/treatment units. Maliban dito malaki ang posibilidad na ang mga sumusunod ay mangyayari pa sa darating na panahon bunga ng kasalukuyang sitwasyon.

a) Pagbabawas ng Job Order/ Casual/Contractual na mga kawani (lalo na sa Pharmacy) at pagbabawas o pagkawala ng sabsidyo ng libreng antibiotic para sa mga pasyente sa charity dahil sa kakulangan ng kita sa PGH Pharmacy.
b) Kakulangan ng pondo para sa mga dagdag benepisyo ng mga kawani
k) Paglalagay ng bayad sa mga dating libre at pagdaragdag ng bayarin sa mga dati ng may bayad na mga serbisyong ibinibigay ng PGH
d) Tuluyang pagpasok ng pribatisasyon bilang negosyo imbes na libreng serbisyo sa mga pampublikong ospital katulad ng PGH.

Kami sa All UP Workers Union ay kinukondena ang mga administrador ng PGH at UP Manila na tahasang nakikipagsabwatan sa mga pribadong mamumuhunan tulad ng sa FMAB upang gawing negosyo ang serbisyong dapat sana ay libreng ibinibigay sa mamamayan sa abot ng kanilang kakayanan. Nakakalungkot at nakakagalit isiping kita at tubo na ang motibasyon ng ilan sa ating mga administrador sa kanilang paglilingkod sa PGH at UP.

ANG ATING MGA PANAWAGAN:
• BENEPISYO AT KASEGURUHAN SA TRABAHO, IPAGLABAN!
• SERBISYO SA TAO, WAG GAWING NEGOSYO !
• BADYET PANGKALUSUGAN, DAGDAGAN WAG BAWASAN!
• MGA ABUSADONG OPISYAL, TANGGALIN SA PUWESTO!
• DE KALIDAD at ABOT KAYANG SERBISYONG PANGKALUSUGAN, IALAY SA MAMAMAYAN!

All U.P. Workers Union – Manila
Ika-1 ng Oktubre 2010

No comments: