ni: Rolando Tolentino
Today at 9:16pm
Hindi naman ito usaping personal. Mabuting makitungo si Emerlinda Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Makwento ito, at kahit paulit-ulit ang kwento sa iba’t ibang pagkakataon, buhay na buhay pa rin ang kwento. Noong Chancellor pa ito ng UP Diliman, decisive ito kapag may itinanong o hiniling ang unit.
Kaya nakakalungkot isipin na ang sentenaryong pangulo ng UP, ang unang babaeng pangulo nito, ay hindi paborableng huhusgahan ng kasaysayan. Hindi kakatwa na sa dulo ng termino nito bumulwak ang mga isyu, pawang pahiwatig sa kalidad o kawalan nito ng demokratikong governance sa unibersidad.
Dati rati pa nga ay kasama si Roman sa pagtutol sa CPDP (Commonwealth Property Development Plan) ng nauna nang presidente Emil Javier. Gayon naman pala, ang pinakamalaking proyekto ng pribatisasyon, ang UP-Ayalaland Technohub ay maisasakatuparan sa termino ni Roman sa mismong sityo ng CPDP.
Ang walang dangal na pagpataw ng 300 porsyentong pagtaas ng matrikula ay naganap din sa watch ni Roman. Sa isang desisyong itinago sa mga nagproprotestang komunidad, naetsapwera ni Roman ang dakilang misyon ng UP na bigyan ng pinakakalidad na tertiaryong edukasyon ang pinaka-deserving at mahihirap na estudyante.
Dagdag pa sa tiwaling pamamalakad ni Roman, ang malawakang subkontraktuwalisasyon ng mga serbisyo, pagpasok ng unibersidad sa mga kwestiyonableng kasunduan sa pribadong entidad, pagpapalakad ng Board of Regents, ang pinakamataas na policy-making body ng UP, na expired na ang termino ng tatlong Malacanang appointees, at matapos madiskubre ito, nang walang konsultasyon sa kanyang constituency, nirekomendang magkaroon ng full term pa ang mga ito.
Dahil sa sistematikong kawalan ng konsultasyon ni Roman, bumuyanyang ang bigat ng kanyang plano’t aksyon. Tinanggal ang rehente ng mga estudyante, tinanggal ang nahirang nang direktor ng Philippine General Hospital (PGH), inuluklok muli ang Chancellor ng UP Mindanao nang hindi tinutugunan ang mga komento ng Commission ng Audit hinggil sa inagurasyon nito, at iba pa.
Marami nang presidente ang UP. Marami ang makasaysayang pamumuno dahil sa ginawang Filipinisasyon ng unibersidad at sa termino ni S.P. Lopez, ang demokratikong konsultasyon na nauwi sa pagproprotekta nito sa mga lumahok sa Diliman Commune laban sa militar ni Marcos.
Ang di-demokratikong pamamalakad ni Roman ay sarili niyang kagagawan. Sinasabi niyang maliit na pumpon ng nagproprotesta lamang ang nasa Quezon Hall. Tunay na ngang nasa ivory tower si Roman. Wala na itong interes na makinig, itinatatwa na niya ang radikal na tradisyon ng unibersidad na naghirang sa kanya bilang sentenaryong pangulo.
At hindi ito kataka-taka para sa “reyna ng komersyalisasyon.” Pinindeho ni Roman ang kasaysayan ng UP sa poder ng negosyo at reaksyonaryong estado. Hindi hiwalay ang kinikilos ni Roman sa neoliberalismo at fasismo ni Gloria Arroyo, ang napagtagumpayan niyang i-bypass dahil nakakolekta ng bilang ng boto si Roman mula sa mga rehenteng niluklok ni Arroyo.
Hindi naman pala sila magkaiba. Magkahalintulad ang kanilang bisyon sa isang sitwasyon limitado ang resources at may engrandeng bisyon na maging globally competitive ang kanilang pinaghaharian: papasukin ang negosyo, supilin ang demokratikong proseso, buwagin ang natitirang espasyo ng demokratikong karapatan. Ang resulta ay ang pamamayani ng kultura ng impunity.
Walang takot sa parusa si Roman o si Arroyo, walang remorse sa pinaggagagawa kahit natitiyak na natitinag din ito sa ilang beses na paghiyaw na “Roman resign!” ng mga nagproprotesta. Sino ang hindi? Dagdag pa ito sa kanyang makasaysayang panunungkulan: sentenaryong presidente, unang babaeng pangulo, at unang pinanawagan magbitiw na sa panunungkulan?
Na pati ang fasistang Chancellor ng UP Los Banos ay nahawahan na ng kulturang ito, walang takot na naghahari at nananakot sa kanyang kampus? Pati ang iba pang hinirang ni Roman na maging reservoir ng kapangyarihan niya, kasama na ang midnight appointments ng tatlong rehente ng Malacanang, ay namamayagpag sa kanilang kingdom come.
Tulad ni Arroyo, si Roman ay hindi rin natatakot maparusahan, hindi rin bibitiw sa kapangyarihan, kaya ang kasaysayan ang huhusga sa kanila. At tulad ng mga linya sa puntod, dito nakahimlay ang empire ni Roman, magarang monumento pero mabilis na naaagnas na, tulad ng maraming naghari nang may pag-iimbot, naglilingkod sa makauring interes ng negosyo at gobyerno.
Nabigwasan na ng progresibong kilusan sa unibersidad ang akala ay toreng pinagtitirikan ng kapangyarihan ng empire ni Roman. Mula sa kanyang posisyon, di na lamang alapaap ng sariling kapangyarihan ang natatanaw. Nasira na ang view ng mga graffiti at nagproprotestang komunidad.
* This article was written after a successful protest action today, participated by students, faculty and staff in front of Quezon Hall thereby preventing the holding of another Board of Regents meeting without the participation of a Student Regent
Wednesday, March 24, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment