Sa araw ng Lunes, ika 30 ng Marso, 2009 ay inaasahan na darating si GMA upang pasinayaan ang bagong PABX/Paging System ng PGH (Philippine General Hospital). Isang okasyon kung saan maaari nating iparating ang ating saloobin para sa hinaharap ng Ospital ng Bayan – ang PGH nating mahal!
Para saan at para kanino nga ba ang mga kosmetikong pagbabago at pagpapaunlad ng mga inprastraktura, equipment at iba pang kagamitan?
Layunin nga ba nito na magbigay ng dagdag na serbisyo... o dagdag na bayarin sa mga taong lumalapit sa ating tanggapan? Ano ang silbi ng mga bagong equipments na bigay ng mga donors (Presidente, mga Senador at Congresssman at iba pa na karamihan ay galing rin naman sa buwis ng taumbayan) kung ang kapalit nito ay mas mataas na singilin para sa ating mga kliyente? Bakit pinahihintulutan ang pagpasok ng mga pribadong equipment/apparatus sa likod ng mga MOA na ang bunga ay hindi makakuha ng libre o discount sa serbisyo ng ospital and ating mga mamamayan at maging ang sarili mismong mga kawani nito? Dahil talaga bang ang matingkad na tunguhin ng pagpapatakbo ng ating ospital ay kita, kita at kumita pa rin?
Bilang isa sa mga abanteng organisasyon sa loob ng U.P. ang ating Unyon ay naninindigan na ang PGH, bilang Ospital ng Bayan ay itinatag upang magbigay ng laan at abot kayang serbisyong pangkalusugan at hindi maging behikulo sa pagpapasulpot ng mga dagdag kita na mamamayan din ang magpapasan. Hindi totoo na wala o kulang ang pondo ng gobyerno para tustusan ang pangangailangan ng mamamayan para sa mga panlipunang serbisyo katulad ng edukasyon at kalusugan. Tayong lahat ay saksi sa malawakan at bilyon-bilyong Pisong korupsiyon na kinasasangkutan hanggang ng mga sa kataas-taasang mga opisyal gobyerno na siyang umuubos sa kaban ng bayan, bukod pa sa pambayad utang na karamihan sa mga utang na ito ay sa bulso rin ng iilan pumupunta.
Kasama rin sa ating matagal ng kahilingan ay ang pagdaragdag ng badyet ng U.P. at PGH para mapunuan ang kakulangan sa bilang ng mga kawani, maibigay ang mga nararapat na mga benepisyo at upang makapaglingkod ng laan at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa ating mamamayan.
Sa totoo lang, sa ilalim ng pamunuan ng Administrasyong Alfiler, walang nadagdag na pondo ng PGH mula sa pambansang pamahalaan lalong-lalo ang sa MOOE (Maintenance, Operating and Other Expenses). Sa halip na igiit ang dagdag pondo, patong-patong na bayarin sa mga diagnostic exams at treatment procedures ang ipinapatupad na lalong nagpapahirap at siyang pumapatay sa ating mga pasyente.
ANG ATING MGA PANAWAGAN:
• Badyet ng Edukasyon at Kalusugan, Dagdagan!
• Joint Resolution No. 24 (Salary Standardization Law Part 3) – Anti-Health Workers, Mapanlinlang! Pondohan at Ipatupad ang mga Benepisyo ng mga Manggagawang Pangkalusugan, Huwag Tanggalin!
• Korporatisasyon/Privatization ng mga Pampublikong Ospital, Tutulan, Labanan!
• PGH – Ospital ng Bayan, Todo Serbisyo sa Mamamayan, Hindi Negosyo!
Sunday, March 29, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment