Pages

Saturday, October 11, 2008

Dagdag na mga Benepisyo sa CNA para sa mga Kawani, Faculty at REPS, Ibigay Na

Karapatan sa Representasyon ng All UP Academic Employees Union Huwag Yurakan! Kilalanin!

Sahod, trabaho at mga karapatan.

Ito ang mga pangunahing itinataguyod ng All UP Workers Union at All UP Academic Employees Union bilang mga unyon ng karaniwang kawani, REPS at faculty ng UP.

Napagtagumpayan natin nitong mga nakaraan ang pagkamit ng ating P20,000 centennial bonus at ang ating 10% salary increase. Hindi naging madali ang mga labang ito. Halos walong buwan nating ipinaglaban ang ating Centennial Bonus mula Oktubre hanggang matanggap natin ito noong Hunyo 18, 2008. Mahigit na ring tatlong buwan nating iginiit ang ating 10% salary increase mula Hulyo hanggang sa nirelease ng DBM ang pondo para sa UP nitong Oktubre 6, 2008.

Pero hindi nagtatapos ang laban ng ating mga unyon para maitaguyod ang kapakanan ng ating mga kawani, REPS at faculty sa UP. Mahalagang usaping nakakaharap ng ating mga unyon ngayon ang mga karapatan natin bilang “accredited” o “duly recognized organizations” bunga ng pagkapanalo ng All UP Workers Union sa Certification Election noong nakaraang Oktubre at sa pagkalap ng mayorya ng suporta ng All UP Academic Employees Union. Kapwa kinilala ng Civil Service Commission at Department of Labor and Employment ang ating mga unyon sa pagbibigay sa atin ng mga certificates of accreditation. Bilang accredited unions, tayo ang “sole-and-exclusive representative ng rank-and file” na mga empleyado ng UP.

All-UP Workers Union: Dagdag na mga benepisyo para sa mga kawani

Nasa gitna ng negosasyon para sa ikalawang CNA ang unyon ng ating mga kawani. Pangunahing ipinaglalaban natin ang mga sumusunod na mga benepisyo:

• P20,000.00 CNA incentive (signing bonus)
• 4 sacks of rice (annual)
• 2,000.00/year of service for the loyalty pay
• 10,000.00 merit award for “sagad” employees
• 5,000.00 medical assistance
• Additional retirement benefits
• P20,000.00 - compulsory retirement, and
• P15,000.00 – optional retirement
• Additional leave privileges

All-UP Academic Employees Union: Pagkilala sa karapatan ng unyon sa representasyon bilang ”sole and exclusive representative” ng rank-and-file faculty and REPS.

Mayo 26, 2008 ang huling negosasyon sa pagitan ng panel ng Acad Union at ng UP Administration. Lampas na lampas na sa isang taon ang negosasyong ito. At ang pangunahing balakid ay ang hindi pagkilala ng Administrasyon ng UP sa representasyon ng acad union sa mahalagang komite na Academic Personnel Committee. Ang APC/APFC ay may ganitong mga tungkulin ayon sa UP Diliman Faculty Manual:

“Review, evaluate and endorse to the Chancellor recommendations from academic units with regard to the following:

• Appointment, tenure and promotion of faculty and REPS (SG 18 and above)
• Award of local and foreign fellowships, study leaves, special details, professorial chairs and faculty grants
• Financial participation in training conferences, seminars, workshops and training programs
• Other related functions assigned by the Chancellor”

Hanggang ngayon hindi pa sinasagot ng Administrasyong Roman ang sulat ng unyon na humihingi ng nakasulat na paliwanag sa patuloy na pagtutol nito sa representasyon ng unyon sa naturang komite na bahagi ng nagsusuri at nagtatalakay sa “terms and conditions of work” ng mga empleyadong akademiko at kung gayon ay saklaw ng karapatan ng unyon sa representasyon. May nagbabanggit na ang UP Diliman administrasyon ang isa sa matinding tumututol sa ganitong representasyon habang ang Administrasyon ng UP Manila ay matagal nang kinilala ang representasyon ng All UP Acad Union UP Manila Chapter sa mga komiteng may kaugnayan sa kondisyon ng paggawa ng mga REPS at faculty nito.

Patuloy na niyuyurakan ng Administrasyong Roman ang accreditation ng All UP Academic Employees Union sa di pagkakaroon ng representasyon ng acad union sa Ad Hoc Committee na binuo ni Vice President for Academic Affairs Amelia Guevarra para pag-usapan ang “career path” ng mga REPS.

Hindi mauunawaan ng All UP Academic Employees Union at ng All UP Workers Union ang ganitong asta ng administrasyong Roman sa isang karapatang ibinigay sa All UP Workers Union sa unang CNA nito sa UP Administrasyon sa panahon ni Presidente Nemenzo noong 2002 na walang kaproble problema. At hindi rin maiintindihan ng ating mga unyon bakit patuloy na binibimbin ng Administrasyong Roman ang sagot sa ating mga sulat kaugnay ng ganitong usapin.

Katulad ng napagtagumpayan natin sa laban para sa centennial bonus at para sa ating 10% salary increase, nakasalalay sa determinadong pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mga karaniwang kawani, REPS, at faculty ng UP ang susi para sa laban para sa dagdag na benepisyo at para sa karapatan sa representasyon ng ating mga unyon bilang mga accredited at duly-recognized organizations ng rank-and file na empleyado ng UP.

No comments: