Pages

Saturday, September 13, 2008

Ating hamon sa Administrasyong Roman: Pangunahan ang “Prayer Rally” sa DBM para igiit ang ating 10% Salary Increase

Setyembre na. Dalawang buwan nang natanggap ng mga kapwa natin kawani sa pamahalaan ang 10% salary increase. UP na lang ang wala pa.

Samantala, kung ang inflation rate noong Hulyo ay 12.3%, at nitong Agosto ay umakyat pa ito sa 12.6%, ibig sabihin lalong bumaba ang halaga ng inaantay na 10% salary increase sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mga serbisyo!!!

Bakit iniipit ng Malacañang at ni Andaya ang ating salary increase?

Hindi natin maiintindihan kung ano talaga ang dahilan kung bakit patuloy na iniipit ng DBM sa pamumuno ni Rolando Andaya ang ating 10% salary increase. Utos ba ito ni Gloria Macapagal-Arroyo na siyang kagyat na pinuno ni Andaya?

Kung ang dinadahilan ay ang probisyon sa bagong UP Charter na may kapangyarihan ang UP Board of Regents na magtakda ng bagong compensation scheme para sa mga empleyado ng UP, may ganito ring probisyon ang 1991 Charter ng Philippine Normal University.

Ang 1991 PNU Charter (R.A. 7168) ay may ganitong probisyon kaugnay ng kapangyarihan ng Board of Regents: "Section 7, h: To fix and adjust salaries of faculty members and administrative officials and employees." Pero ang mga faculty at kawani ng PNU ay nakatanggap na ng 10% salary increase dahil hindi naman sila nagkaroon ng hiwalay na salary scale labas sa SSL mula pa nang ipinasa ang kanilang Charter noong 1991. E ganito rin naman sa UP a. Wala naman tayong bagong salary scale; wala namang pagbabago sa ating sweldo mula nang naipasa ang RA 9500 o 2008 UP Charter.

Nitong nakaraang linggo lamang, ipinagmalaki ni Andaya na may panukala ang DBM na itaas ng 100% ang sweldo ng mga kawani at mga opisyal ng pamahalaan sa kanyang paghapag ng 2009 budget. E bakit, 10% salary increase man lang namin dito sa UP para ngayong 2008 ay ayaw niyo pa ibigay?

Ating panawagan sa Administrasyong Roman: Pangunahan ang “Prayer Rally” sa DBM para igiit ang ating 10% Salary Increase!

Sa pinakahuling dayalogo ni Pangulong Roman sa mga guro at kawani ng UP sa UP Baguio noong Agosto 30, 2008, sinabi niyang halos araw-araw nilang tinatawagan ang DBM tungkol sa ating salary increase at hininging “magdasal” tayo para mapabilis ito. Marami sa ating mga kawani at ang kanilang mga pamilya ay isinasama sa kanilang mga dasal na maibigay na nga itong 10% salary increase. Pero hindi nakasasapat na umasa na lang tayo sa “Divine Intervention” para sa ganitong problema.

Sa tagal na ng panahong pakikisuyo at pakikipag-usap ng Administrasyong Roman sa mga nasa poder sa DBM at Malacañang ay nanatili silang bingi.

Hinahamon natin si Presidente Roman at mga opisyal ng Unibersidad ng Pilipinas na pangunahan ang isang ”prayer rally” sa harap ng opisina ng DBM, malapit sa Malacañang, para igiit ang matagal nang nabimbing 10% salary increase. Baka sa ganitong paraan lamang diringgin ng nag­aastang mga bathala sa Malacañang ang dasal na ibigay na ang ating 10% salary increase.

No comments: