Pages

Saturday, December 29, 2007

UP – Una sa Pagkokomersiyalisa

by kapirasong kritika
December 28, 2007

up-oblation.jpg

Nitong nakaraang Disyembre, muling ipinilit ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas — sa brusko at bastos na paraan – na pabilisin ang pagkokomersiyalisa sa pamantasan.


Bago nagsimula ang kakatapos na Christmas break, lumaganap sa iba’t ibang e-group ang ilang ulat kaugnay ng Unibersidad ng Pilipinas o UP. Sa partikular, tungkol ang mga ito sa mga hakbangin nitong Disyembre ng administrasyon ng UP – sa pamumuno ngayon ni Pres. Emerlinda R. Roman – na itulak sa Senado ang panukalang batas na babago sa UP Charter, ang konstitusyon ng pamantasan. Pero, at mas mahalaga, tungkol din ang mga ulat sa maagap at nagkakaisang pagkilos ng mga sektor ng UP – estudyante, guro, kawani at iba pa – para labanan ang mga hakbangin ng UP Admin.

Balik-tanaw: Mula Mayo 2003 hanggang Pebrero 2004, pinaigting ng UP Admin sa pamumuno ni dating Pres. Francisco Nemenzo, Jr. ang kampanya nito para ipasa ng Senado ang isang panukalang batas na babago sa UP Charter, na simula 1908 pa umiiral. Hindi naipasa, gayunman, ang panukalang batas – na inisponsor ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan – dahil sa tuluy-tuloy na paglaban ng makabayang mga organisasyon ng iba’t ibang sektor ng UP, pakikinig at pagtindig ng ilang matulunging senador tampok si Sen. Aquilino “Nene” Pimentel, at iringan ng Kongreso at Senado dahil sa badyet.

Bagamat nabinbin ang panukalang batas ni Sen. Pangilinan, patuloy na naging listo at mapagbantay ang makabayang mga organisasyon sa mga hakbangin ng UP Admin kaugnay ng UP Charter. Patuloy nilang dinaluhan ang mga pagdinig (hearing) sa mga panukalang batas na bersiyon lamang ng kay Sen. Pangilinan. Nagsampa pa nga sila sa Kongreso ng panukala nilang UP Charter. Sa pag-upo ni Pres. Roman – na kilalang mas tagapagsulong ng pagkokomersiyalisa ng mga ari-arian ng UP, na siyang laman ng panukalang batas – lalong hinigpitan ng nasabing mga organisasyon ang pagmamatyag.

Abante sa Disyembre 2007: Ayon kay Prop. Judy M. Taguiwalo ng UP Widem o UP Wide Democratization Movement – malapad na alyansang tutol sa panukalang batas ni Sen. Pangilinan – napag-alaman niya at ng mga kasamahan niyang isa ang nasabing panukalang batas sa siyam na gustong ipasa ng Senado bago ang Christmas break na nagsimula noong Disyembre 21. Dahil sa balita, tumungo sa Senado si Prop. Taguiwalo at mga kasama niya sa UP Widem noong Disyembre 17. Kapansin-pansing ilang ulit nang binabasbasan ng Malakanyang ang panukalang batas para kagyat na maipasa.

Disyembre 17, 2007: Sa Senado, nakasaksi sina Prop. Taguiwalo ng tinawag niyang “matinding manipulasyon.” Hindi ipinamahagi ang adyenda ng sesyon para sa araw na iyon. Aniya, “kadalasa’y alas-10 ng umaga… may mga kopya na… ang mga senador. Alas-tres y medya kami dumating… wala pa ring adyenda.” Noong pumasok sila sa plenary hall, doon lang nila nalamang “nakasalang… ang UP Charter.” Kailangan, aniya, ng committee report bago talakayin ang isang panukalang batas ng plenaryo, pero – “lo and behold!” – iniikot ni Sen. Pangilinan ang committee report sa mismong plenaryo.

Sa talumpati ni Sen. Pangilinan, sinabi niya, sa mga salita ni Prop. Taguiwalo, na “may kasunduan na ang mga senador na kung ano… ang ipinasa noong 13th Congress, iyun na rin ang ipapasa sa 14th Congress,” kasama ang panukalang batas sa UP Charter. Dumaan na raw sa committee hearing at technical working group meeting “na dinaluhan ng iba’t ibang stakeholders ng bill” ang panukala. Sumang-ayon naman sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Loren Legarda. Humadlang si Sen. Jamby Madrigal, dahil hindi pa niya nababasa – dahil hindi nga siya binibigyan – ng mga dokumentong kailangan.

Sa pagtatanung-tanong nina Prop. Taguiwalo at ng mga kasamahan niya, napag-alaman nilang “wala ni isa man lang sa [kanilang] inihapag [na panukala] ang ipinasok sa final committee report.” Ibig sabihin, purong panukalang batas ni Sen. Pangilinan ang nakahapag. Pero dahil sa agresibong paggigiit ng mga lider ng UP Widem, at dahil ginabi na ang sesyon, nagbukas si Sen. Pangilinan na magpulong na lamang ang staff niya at staff ni Sen. Madrigal, kasama ang mga lider ng UP Widem, “para matingnan kung ano ang maaaring ipasok sa committee report” na mula sa panig ng alyansa.

Disyembre 18, 2007: Ayon naman kay G. Marco Dominic delos Reyes, staff ni Sen. Madrigal, dating Student Regent ng UP at dating tagapangulo ng University Student Council ng UP Diliman, naging abala ang mga staff nina Sen. Pangilinan at Sen. Madrigal sa pagbubuo ng mga panukalang mapagkakasunduan ng UP Widem at ng UP Admin. Pinayuhan ni Sen. Manny Villar, presidente ng Senado, sina Sen. Pangilinan at Sen. Madrigal na isama sa talakayan sina Pres. Roman at ang grupo nito. Dahil dito, nagkusa si Sen. Madrigal na lapitan ang grupo nina Pres. Roman na nasa gallery.

Sumama si G. Delos Reyes kay Sen. Madrigal. Hindi maganda ang nangyari. Ayon kay G. Delos Reyes, “Nag-asam kami ng mapagkaibigang talakayan, pero ang napala namin ay abusong pasalita at mga insulto sa aking pagkatao.” Sabi pa niya, “Babati pa lamang ako kay Pres. Roman nang bigla niya akong dinuro, malakas at paulit-ulit niyang sinabing ako raw ay gumagawa ng ‘pagkakamali (disservice) sa Unibersidad’.” Sabi niya, “Kahit karaniwang estudyante, hindi karapat-dapat sa ganoong pambabastos… Hindi katanggap-tanggap ang arogansiya [ni Pres. Roman] sa kahit anong pamantayan.”

Sa pahayag ng UP Widem hinggil sa nangyari, idinagdag nitong sinabi ni Pres. Roman na “kinakatawan lamang ni Delos Reyes ang minoryang opinyon” sa UP. Ayon pa rito, “Dahil sa ganitong asta ni Pres. Roman sa miyembro ng kanyang staff ay pinuna ni Sen. Madrigal ang napansin niyang ‘arogansiya’ nina Pres. Roman at iba pang opisyales ng UP… Kinuwestiyon niya ang pag-ako nina Pres. Roman at ng kanyang mga opisyal ng eksklusibong karapatang katawanin ang sentimiyento” ng UP. Sa bahaging ito, “malakas na pinalakpakan” si Sen. Madrigal ng maraming kasapi ng UP Widem na nasa Senado.

Ang masama pa, agad na tinangka ng mga propagandista ng UP Admin na baligtarin ang kuwento. Sa liham niya kung saan humihingi siya ng paumanhin, inilahad ni G. Delos Reyes ang ganitong text message: “Nagkaroon ng mainit na pakikipagtalo sina PERR at VP Leonen kay Jamby Madrigal na nagdala ng grupo ng mga miyembro ng unyon at mga estudyante kay Pres. Roman at naggiit na makipagdebate siya sa kanila tungkol sa UP Charter. Pagkatapos, pumunta siya sa mikropono at ininsulto si PERR at mga opisyal ng unibersidad bilang arogante at tutol sa transparency… Pakipasa.”

Disyembre 19, 2007: Ayon kay Prop. Taguiwalo, naipasa sa Senado ang panukalang batas na ang kalakhan ay kay Sen. Pangilinan, bukod sa ilang susog ni Sen. Madrigal: (1) Isang termino lang ang presidente ng UP, (2) Ihahalal ang Faculty Regent ng lahat ng nagtuturo nang full-time, may tenure o wala (3) Inilagay ang “demokratikong pamamahala” sa mga layunin, (4) Pagpabor sa mga valedictorian at salutatorian ng pampublikong mga hayskul, (5) Pagbuo ng oversight committee para bantayan ang komersiyalisasyon ng UP, at (6) Pagkakaroon ng implementing rules and regulations.

Sa kanyang ulat, inilantad ni Prop. Taguiwalo ang kawalang-aksiyon ng mga natawag na “oposisyunista” na sina Sen. Chiz Escudero at Sen. Alan Peter Cayetano. Pinapurihan niya si Sen. Madrigal dahil “tumaya” ito para ipaglaban ang mga panukala ng UP Widem. Pero, aniya, “ang mahalagang mahalagang salik sa pagpapatuloy ng laban ay ang hindi natin pagpapabaya” – at inilitanya niya ang pagsisikap ng iba’t ibang sektor ng UP na dumalo sa Senado sa mahalagang mga araw na iyon. Tinurol niyang susunod na puntirya ng pagkilos ang bicameral conference committee meeting sa Enero 2008.

No comments: