Malugod po naming ipinapaalam sa inyo na ang mga pagpupunyagi natin sa nakalipas na mga araw ay nagbunga ng pinakamataas na kalamangan sa botohan sa lahat na Campus at sa buong kasaysayan ng Certification Elections (CE) sa UP, na umabot sa 1,129 boto sa buong UP Manila:
Ang resulta pong ito ay malinaw na mandato ng Unyon at magiging dala-dala po natin sa buong panahon ng ating pagiging “bukod tanging kinatawan ng lahat na mga rank-and-file na administratibong kawani ng UP.”
Lubos po kaming nagpapasalamat sa lahat nating mga kasamang kawani! Subalit, ang tunay na hamon sa ating lahat ay kung papaano na ang mandatong ito ay maisakatuparan sa dagdag na benepisyo at karapatan, hindi lamang para sa ating lahat bilang kawani ng UP at ng PGH, kungdi maging ng Sambayanang Pilipino na pinagsisilbihan natin.
Muli po kaming kumakatok sa inyong mga puso’t isipan, huwag po tayong tumigil hanggang sa pagboto lamang, hayaan nating ang mandatong ito ay madala natin para sa kampanya ng pagbabago – maging sa lipunang ating ginagalawan. Isang kampanya na hindi nakatuon sa pansariling interes lamang bilang kawani kundi maging sa interes ng Sambayanan, dahil bilang kawani ng UP at ng PGH tangan-tangan din natin ang kinabukasan ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan ng ating bayan.
Sisimulan natin ito dito mismo sa ating bakuran. Ang mga naiwang benepisyong hindi pa naipatupad sa ilalim ng RA 7305 (Magna Carta of Public Health Workers) ay dapat maipatupad na. Ito ang 5% Longevity Pay, Free Hospitalization at Overtime Pay. Gayundin ang iba pang mga kasalukuyang kampanya natin. Isusunod natin ang kampanya laban sa pagtataas ng singilin sa charity hospital services. Ang kalusugan ay isang batayang karapatan, huwag natin itong hayaang pagkakitaan ng mismong pamahalaan na dapat siyang nangangalaga nito. Na samantalang ang mga lider pulitiko sa pangunguna ng Presidente ay nagpapakasasa sa kaban ng bayan, dumarami sa mga kababayan natin ang namamatay sa sakit dahil sa kakulangan ng serbisyong pangkalusugan - ng serbisyong hindi abot kaya at laan sa mamamayan.
Ang nabinbin na negosasyon sa CNA dahil sa CE ay itutuloy natin pagkatapos ng opisyal na deklarasyon ng Bureau of Labor Relations (BLR - DOLE). Ang mangunguna nito ay ang mismong Pangulo ng Chapter na si G. Jossel Ebesate bilang Chairman ng Negotiation Panel ng Unyon. Ngayon higit na kailangan natin ang inyong pakiki-isa para makuha natin ang pinakamataas na mga benepisyo para sa ating lahat.
Sa panghuli, muli, ang kalagayan natin sa UP at PGH ay sumasalamin lamang sa kalagayan ng ating lipunan. Habang tayo ay nakikipag-ugnayan sa ating mga Tagapangasiwa sa pagsaayos ng kalagayan natin bilang kawani ng UP at ng PGH, sabay-sabay din tayong lumahok sa mga isyu ng mamamayan at ng bayan!
Mabuhay ang All UP Workers Union! Mabuhay ang mga Kawani ng UP at ng PGH!
No comments:
Post a Comment