Sa diyalogo sa Direktor noong Martes, ika-17 ng Hulyo 2007, kimumpirma ni Director Alfiler na wala na nga ang bukambibig nya noon pang isang taon na P10,000.00 PGH Centennial Bonus. Sabi pa niya ay “target” lamang ang nasabing halaga kung kayat nakiusap siya na tanggapin na lang natin ang P3,000.00 “advanced” Anniversary Bonus. “Advanced” dahil ito ay para sa UP Centennial sa 2008 at inuna lamang na ipamimigay sa mga kawani ng PGH. Ito ay ayon daw sa rekomendasyon ng UP Administration at siyang hinihingan ng authority mula sa UP-Board of Regents (BOR) sa miting nito sa ika-27, ng Hulyo 2007.
Dagdag pa ni Direktor ay matatanggap din natin sa Agosto ang P5,000.00 na Merit Incentive at ang unang anim (6) na buwan na PhilHealth dividend na nasa pagitan ng P2,000.00 – P3,000.00.
Matatandaan na ang P5,000 Merit Incentive ay natatanggap na natin ng Agosto simula noong nakaraang taon ayon sa kahilingan ng Unyon upang maiwasan ang pagsilip ng DBM at COA sa karagdagang mga benepisyo na malimit ibinibigay ng UP sa huling buwan ng bawat taon. Ang PhilHealth dividend ay ibinibigay naman tuwing unang quarter ng bawat taon. Samakatuwid, ang matatanggap nating 3K, 5K, at 3K sa Agosto ay mga inadvance lamang na mga dati nang benepisyo, at walang bagong ibibigay ang PGH Administration bilang pagkilala sa mga sakripisyo at dedikasyon ng mga kawani sa pagdiriwang natin sa Sentenaryo ng ating mahal na ospital sa susunod na buwan.
Ang Unyon ay hindi kumbinsido sa mga paliwanag na ito ng Direktor kayat nagparating ito ng agarang sulat sa mga kasapi ng BOR para hilingin ang P10,000 na PGH Centennial Incentive dahil ang nasabing halaga ay nakasama na sa 2007 Internal Operating Budget ng PGH na naaprubahan na ng BOR noong ika-2 ng Mayo 2007. Mayroon ring sapat na kapangyarihan ang BOR na magbigay ng karagdagang insentibo (o anumang nais nitong ipangalan).
Kaya’t ang Unyon ay nanawagan sa lahat nating mga kasamahan na makiisa upang ipahayag ang ating pagkundina sa PGH Administration sa pangunguna ng Direktor dahil sa pagpapaasa sa atin simula pa noong ika-98 na pagdiriwang natin ng Anibersaryo ng PGH (o noong 2005) na makakatanggap tayo ng karagdagang benepisyo sa taong ito subalit kulang naman sila sa pagpupunyagi na maisakatuparan ito. Sa totoo lang, ni hindi nila nagawang humingi ng dagdag na pondo mula sa Malakanyang/DBM para sa nasabing benepisyo.
Nanawagan din tayo sa mga kasapi ng BOR para bigyang katuparan ang ating hiling na Centennial Incentive na P10,000. Naniniwala tayo na karapat-dapat tayong makatanggap ng ganitong insentibo dahil sa isandaang taon ng PGH, napatunayan natin sa Sambayanan ang mga naging kontribusyon ng ospital sa pag-unlad ng medical, nursing, pharmacy at iba pang pangkalusugang siyensiya sa ating bansa at sa pagbibigay ng direktang serbisyo.
Lumahok sa ating gagawing kilos protesta sa Huwebes, ika-26 ng Hulyo 2007 ganap na 12:00 – 1:00 ng hapon sa PGH Flagpole Area.
Benepisyo, Ipaglaban!
No comments:
Post a Comment