Pages

Monday, January 15, 2007

Ipaglaban ang PGH bilang Ospital ng Bayan: Rates Increase Tutulan

Siete pesos (P7.00) na blue card, magiging P15.00!
Isang libo’t limang daang piso (P1,500.)O.R. fee para sa charity!
4D Ultrasound ng matris - P600 charity rate!


Ang mga ito ay iilan lamang sa maraming dagdag at bagong rates na tinututulan ng All UP Workers Union Manila. Ang December 14 na memo (Memorandum No. 2006-131), na nagsasaad ng 29 na bago at dagdag na bayarin sa 6 na Clinical Units ay di makatarungan dahil ang serbisyo sa UP-PGH ay patuloy na tumataas at di na maabot ng marami nating kababayan. Sa taong 2005 at 2006, may 10 memo ng rates na kinabibilangan ng 111 na bago at 75 na pagtaas ng mga rates sa halos lahat na Clinical Departments. Malinaw na sa patuloy na rates increases, inaabandona ng pamahalaan ang pangunahing responsibilidad nito sa serbisyong pangkalusugan.

Bilang reaksyon ng PGH Management sa ilang mariing pamamaraan ng pagtutol na isinagawa ng Unyon ay nagkaroon ng diyalogo noong Martes, ika-9 ng Enero 2007. Tulad ng inaasahan sa pag-uusap, tahasang sinabi ng Management na dapat daw ay ipatupad ang hospital rates increase dahil daw sa mga isinaad nilang gastusin at kulang daw ang badyet mula sa Pambansang Pamahalaan. Kailangan daw nito ang karagdagang pondo upang mapatakbo ng episyente ang ospital at makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo. Bagamat ang unyon ay sumasang-ayon sa layuning magbigay ng de-kalidad na serbisyo, di matwid na katwiran na ipasa ang malaking pasanin ng kakulangan sa badyet sa mamamayan.

Dagdag sa katwiran nila ay meron naman daw PhilHealth na tinagurian ng Management na “sugar daddy” na pwedeng hingian ng mga pasyente. Sa totoo lang, napakalimitado ng coverage ng PhilHealth; kapwa sa lawak ng mga sakit at presyong babalikatin nila, lalo na at napakaliit ng porsyento ng mga pasyente na meron nito. Sa isang agarang survey na isinagawa ng Unyon noong ika-11 ng Enero 2007 sa lahat ng mga pasyente ng mga Ward na karamihang pasyente ay operado; 70% ng mga pasyente/bantay na natanong ay hindi covered ng Philhealth (161 sa 229 na mga pasyente ng Ward 2, 4, 6, 8, 14B, 16 at SOJR).

Nanindigan ang unyon na hindi na dapat pang maningil ng karagdagan sa mga pasyente. Ang mga karaniwang nagpapatingin dito sa PGH ay mahihirap na mamamayan na sa simpleng pagpapa check-up pa lamang hirap na kaagad sa maraming gastusin tulad ng mga laboratory exams. x-rays, ultrasound at iba pa. Dagdag pa rito ang mga mamahaling gamot na nirereseta sa kanila na karamihan ay walang stock sa PGH Pharmacy. Halos maghapon ang pagpapatingin partikular sa OPD kaya dagdag pa sa kanilang gastusin ang kanilang pagkain o baon sa maghapon at gastusin sa pamasahe, na karamihan ay mula pa sa malalayong lugar.

Iginiit din ng unyon, na ang mga batayang karapatan tulad ng kalusugan ay dapat pinaglalaanan ng pamahalaan. Ang PGH na naturingang “Ospital ng Bayan” ay dapat maging ehemplo o maging modelong institusyon na nagtataguyod ng laan sa mamamayan, abot-kaya at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan kaya dapat bigyan ng sapat na budget ng pamahalaan. Wag nating gamiting katwiran ang kakulangan ng badyet sa patakbong- negosyo ng ospital upang makalikom ng badyet na ang mamamayan naman ang nagdurusa, bagkus, dapat nating ipaglaban ang dagdag-badyet.

Sa pagtatapos ng nasabing pag-uusap, napagkasunduan ang pansamantalang pagtigil sa singil sa O.R. fee, dagdag na singil sa blue card at medical certificate.

Patuloy na naninindigan ang unyon na ibasura, hindi lang ang tatlong nabanggit, kundi pati na rin ang lahat na tumaas at mga bagong singilin na nakasaad sa memo. Maghanda tayo sa mas malawak at mas mataas na antas ng sama-samang pagkilos upang labanan ang walang patid na rates increase at ipaglaban ang ating karapatan sa kalusugan! Panatilihin nating ang PGH ay para sa bayan, at ang ating mga pagsikhay ay para sa bayan!

SERBISYO, HINDI NEGOSYO!

TUTULAN ANG PGH RATES INCREASE!

IPAGLABAN ANG KARAPATAN SA KALUSUGAN!

BUDGET PANGKALUSUGAN, DAGDAGAN!


All U.P. Workers Union Manila
Ika-12 ng Enero 2007

No comments: