Hindi malulunasan ang kasalukuyang krisis pampulitika at pang-ekonomya ng bansa habang nananatili sa puwesto si Gloria Arroyo. Higit na nararapat na pagkaisahin ang buong sambayanan at patuloy na palakasin at palawakin panawagang kagyat na pagbaba sa pwesto ni Gloria Arroyo.
Sa pagdausdos na approval rating ni GMA at umiigting na pagkadiskontento ng mamamayan sa pamamalakad ng pamahalaan, sunod-sunod na nanawagan sa pagbibitiw ni Arroyo ang iba't ibang grupo. Tampok dito ang panawagan ng mga nagbitiw na miyembro ng gabinete at ng dating Pangulong Corazon Aquino. Patuloy na lumalaki ang bilang ng mga dumadalo sa mga kilos-protesta na nananawagan ng pagbaba ni GMA. Gayong matagal nang naninindigan at kumikilos ang mga Iskolar ng Bayan, marapat lamang na ang UP bilang pamantasan ng mamamayan ay tumindig at kumilos.
Kahapon ng umaga, pagkatapos ng matinding talakayan at diskusyon ay nakapagdesisyon na ang kaguruan na manawagan ng kagyat na pagbibitiw ni GMA. Nagkakaisa na ang tinig ng lahat ng sektor ng UP sa panawagang dapat umalis na si Arroyo sa MalacaƱang. Ayon sa University Council Statement: "We cannot afford to be led any further by a dishonest president who has shown no qualms about using the awesome powers of her office for purely personal interests."
Malinaw sa kanilang pahayag na kinikilala nilang hindi lehitimo ang pagiging pangulo ni GMA at tahasang paglabag sa kapasyahan ng mamamayan ang pag-upo nito sa puwesto. Kinilala din sa pahayag ang paggamit ni GMA sa puwesto nito para sa pagsusulong ng sariling interes. Hinding-hindi mapamumunuan ni GMA sa ganitong kalagayan ang bansa sa pag-ahon nito mula sa krisis pang-ekonomiya na kinakaharap nito ngayon.
Ngayong mayroon nang isang matibay na paninindigan at pingkakaisahan ang buong Unibersidad, nararapat lamang na buong lakas itong kumilos upang maalis si Arroyo sa MalacaƱang. Ito ang pananagutan ng bawat isang kabahagi ng unibersidad, ang paglingkuran ang sambayanan. Mahalaga ang pagkakaisa ng buong komunidad ng UP upang maabot ang higit na tagumpay. Muli tayong tinatawagan ng mamamayan na makiisa sa kanilang hangaring pagbabago.
Sa kabila ng sunod-sunod na mga pahayag at papatinding pagkilos ng mamamayan laban kay GMA, patuloy pa ring nagmamatigas si Gloria na manatili sa puwesto. Nakakabahala ang pahayag ni Arroyo na "I will defend democracy at all cost" na maaring mauwi sa pandarahas o maging sa pagdedeklara ng Martil Law upang supilin ang mga lehitimong panawagan ng mamamayan.
Pinatunayan ng kasaysayan na tanging sa sama-samang pagkilos lamang natin makakamit ang pagbaba ng isang pangulo, at pagsulong ng makabuluhang pagbabago. Sa mga panahon tulad ngayon, ang mga Iskolar at Guro ng Bayan ay nararapat na maging aktibong bahagi ng pagpapalakas ng kilusang-protesta upang pababain si Gloria.
Mula sa mayaman nating karanasan, natutunan natin na ang ating mga panawagan ay hindi mapagtatagumpayan sa simpleng pagpapalit na lamang ng mukha o pangalan ng may kapangyarihan. Kinakailangan na magkaroon ng mga batayang reporma patungo sa makabuluhang pagbabago na matagal ng hinihingi ng sambayanang Pilipino.
Kinakailangang magsagawa ng reporma sa pulitika at ekonomiya na magbibigay ng kaginhawaan sa mga mamamayan. Marapat na magkisa ang UP upang pangalagaan ang civilian supremacy at, higit sa lahat, ang interes ng sambayanan, at hindi ang mga personal na hangarin o ang interes ng dayuhan. Ito lamang ang nararapat at hinihinging pagbabago ng ating panahon.
Gloria alis d'yan, galit na ang mamamayan!
Dumalo sa University Convocation sa July 22.
Sumama sa SONA sa July 25.
Univerity Student Council (Diliman)
Saturday, July 16, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment